The Boy at the Eastern Hill

~~~~~

    ANG bawat bahay na gawa sa matitibay na uri ng kawayan sa Altbas, ang mundo ng pinagmulan, ay unti-unting naglalaho at nagiging mga nilalang na parang mga paru-paro. Sa pagsilip ng hari sa kalangitan ay tila nababalot ng takot na madaplisan ng kahit anomang liwanag ang mga tahanan. Ganito ang tipikal na senaryo sa bawat umaga rito sa Altbas.

    Lahat ay nakaabang sa pagsikat ng araw dahil panibagong buhay na naman ang haharapin. Magbabanat ng buto muli ang mga mamamayan at ito ay parte at tungkulin sa kanilang buhay. Sa pagwawangis parang paru-paro ng mga tahanan o ang tinatawag na Fleorum, dilat na ang mga mata ng bawat isa upang suungin ang bagong umaga.

    "Kavin, tingnan mo, mga dilaw na Fleorum," saad ng nakababatang kapatid ni Kavin na si Lyztel. Hinahabol niya ang mga dilaw na Fleorum na naglalaglag ng mga gintong abo habang lumilipad. Kahit na nakatingkayad na siya ay suntok pa rin sa buwan ang pag-abot sa mga iyon. "Ayaw sa akin ng mga Fleorum!"

    Umupo si Lyztel sa damuhan habang sinasampal siya ng liwanag mula sa hari ng kalangitan. Maging ang hangin ay parang mga taong bumubulong sa kanya.

    Kahit anong gawing pakikipag-usap sa kapatid niya ay nakatitig lamang ang kayumangging mga mata niya sa nakasisilaw na araw. Mukhang hindi alintana ni Kavin ng epekto nito sa kanyang mata. Linapitan siya ni Lyztel at niyugyog.

    "Kavin, tama na! 'Wag ka nang ganyan. Masisira lang ang mga mata mo," pakiusap ni Lyztel habang hawak-hawak ang kaliwang kamay ng kapatid.

    "Matagal nang sira ang buhay ko." Bumitiw si Kavin sa pagkakahawak ni Lyztel at parang wala sa sariling naglakad papalayo sa kanya. Paniguradong pupunta na naman siya sa sentro ng Altbas upang magtanong muli.

    Tila walang kaluluwang naglalakad si Kavin papunta sa sentro ng Altbas. Mula siya sa timog subalit hindi niya alintana ang layo basta makapunta lamang doon. Isang kamay ang mahigpit na humawak sa kanyang kanang kamay.

    "Kavin, tama na! Nandito pa naman ako!" muling pakiusap ni Lyztel habang pinupunasan ang nagbabagsakang ulan sa gitna ng nag-iinit na atmospera.

    "Pero, kulang pa rin tayo. 'Di pa rin tayo buo," walang buhay na saad ni Kavin. Sa pagkakataong iyon ay yinakap na siya ng labing-tatlong taong gulang niyang kapatid.

    "Ilang taon nang nakalilipas. Tama na!" Lumuha na't lahat si Lyztel at humihiling na itigil na ni Kavin ang ginagawa niya, subalit barado ang tainga ni Kavin. Pilit kinalas ni Kavin ang mahigpit na yakap ni Lyztel subalit nanatili siyang walang pakialam. "'Wag ka nang maging bato. Kahit ngayong araw lang!"

    Tumagal nang ilang minuto ang sitwasyon nila. Hindi nila alintana ang pawis na tumatagaktak sa kanila dahil sa init. Pilit silang nagmamatigas sa isa't-isa kung sino ang bibitaw subalit...

    "Kailangan ko silang hanapin." Nakabitiw na si Lyztel kay Kavin at iyak nang iyak dahil sa pagmamatigas ng kanyang kapatid.

    "Nandito pa naman ako, Kavin! 'Wag mong kalimutang may kapatid ka pa," mahinang sigaw ni Lyztel pero paniguradong hindi ito umabot sa tainga ni Kavin.

    Salungat sa sinisigaw ng kapaligiran na ligaya, lungkot ang bumabalot sa mga mata ni Lyztel habang pinagmamasdan niya ang kapatid niyang papalayo sa kanya. Naglalakad si Kavin na parang ang mga paa ay may sariling utak. Sa hindi inaasahan, isang tapik sa balikat ang nagpabago ng atensyon ni Lyztel.

    "Umiiyak ka na naman," wika ni Haliya, ang nag-iisang umiintindi sa kalagayan ni Kavin. Pinapatahan niya ang bata at saka hinabol ang binata.

    "Nahihibang ka na ba talaga?" galit na wika ni Haliya. "Nakakalimutan mo na ba?"

    Patuloy na naglakad si Kavin subalit hinarang siya ni Haliya.

    "Ngayon ang kaarawan ni Lyztel!" Agad na pinunasan ni Haliya ang tumulong luha sa kanyang kanang mata at tumakbo sa kinaroroonan ni Lyztel na nakaupo sa damuhan at patuloy na lumuluha. Sa kabilang dako, halos huminto ang tibok ng puso ni Kavin sa mga salitang narinig niya at pinipigilan ang sariling lumingon sa likuran.

    Araw-araw na pinipilit ni Lyztel si Kavin na huwag nang pumunta sa sentro. Paniguradong pupunta si Kavin doon upang ipagtanong kung nasaan ang dalawa pa nilang mas nakatatandang kapatid.

    Araw-araw, unang pinupuntahan ni Haliya ang tahanan nina Kavin dahil dadatnan na naman niyang umiiyak si Lyztel. Ganito na ang naging takbo ng bawat umaga nila at wala nang nagbago pa. Kahit paulit-ulit na pagsabihan si Kavin ay makapal na talaga ang tutuli sa tainga niya.

    Nakapako pa rin ang mga paa niya sa damuhan at paniguradong pinipigilan din ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya rin natagalan at lumingon siya. Sumalubong naman ang kapatid na tumatakbo sa kanya at saka siya yinakap.

    "Sana ayos ka na!" Lalong humihigpit ang mga yakap ni Lyztel.

    "Si Ima Amira," pagtukoy ni Haliya sa babaeng nasa likuran ni Kavin na may dalang bilaong nakapatong sa ulo, nakasuot ng puting pantaas, pakupas na kulay pulang palda, at may pulang scarf na nakabalot sa kanyang mukha maliban sa mga mata.

    "Ano na namang nangyari? Nahimasmasan na ba si Kavin?" Tumango naman si Lyztel habang si Kavin ay nakatitig pa rin sa kawalan. "'Di ba, sabi ko, ako na lamang ang pupunta sa sentro para ipagtanong kung nasaan sila. Kavin, makinig ka naman sa akin."

    Ibinaba ni Amira ang bilaong nakapatong sa ulo niya at kinuha mula sa bulsa ang isang kahong gawa sa kahoy na halos papasira na. Binigay niya iyon kay Lyztel at sinabing, "maligayang kaarawan, anak!"

    Binuksan iyon ni Lyztel at bumungad ang isang kumikinang na kwintas. Ang kwintas ay gawa sa mamahaling pilak kaya hindi makapaniwala ang bata.

    "Ima, paanong..."

    "Pinag-ipunan ko 'yan para sa 'yo. Maligayang kaarawan!" Yinakap ni Lyztel ang kanyang Ima. Ngiti naman ang namutawi sa labi ni Haliya habang pinagmamasdan ang pamilya. Isinama na rin ni Amira sa pagkakayakap niya si Kavin na wala pa ring imik.

    "Mahal na mahal ko kayo, mga anak."

    Lumipas ang ilang minuto at lumisan na si Amira. Pumunta siya muli sa sentro para gawin ang kanyang trabaho, ang pagtatanim ng Safeda. Kasalukuyang nakaupo sina Kavin, Haliya, at Lyztel sa damuhan malapit sa pwesto kung saan naglaho ang tahanan nina Kavin.

    "Labing-tatlong gulang ka na, 'di ba?" tanong ni Haliya. Tumango naman si Lyztel. "Kung gayon ay kailangang isama na rin kita sa sentro upang turuan kang magtanim ng Safeda."

    Ang mga mata ni Lyztel ay lumiwag at naging bituin sa galak. "Totoo ba ang naririnig ko?"

    "Nasa hustong gulang ka na kaya dapat mo nang matutuhan ito. Halika, sasamahan kita." Tumayo si Haliya at inilahad ang kanyang kamay para kay Lyztel. Hinawakan ni Lyztel ang kamay niya at saka tumayo rin. "Kavin, hihiramin ko muna si Lyztel. Pumunta ka na sa Kweba ng Kyromma."

    Subalit, bago pa sila makapaglakad ay sumalubong ang apat na lalaki sa kanila. "Nagkita na naman tayo," asar na wika ng isang lalaki habang mapang-asar na nakatitig kay Lyztel.

    "Ano na naman bang ginagawa mo rito, Pyrion?" diretsong tanong ni Haliya at parang umiinit ang paligid.

    "Ano 'yang hawak mo?" Tinutukoy ni Pyrion ang hawak na kahon ni Lyztel. Itinago naman agad ni Lyztel sa kanyang likod ang hawak na regalo. "Kunin niyo nga!"

    Lumapit ang tatlong lalaki at pilit na inagaw kay Lyztel ang kahon. Sinubukan namang pigilan ni Haliya ang tatlo. Pilit niyang sinisiksik ang sarili para hindi makuha kay Lyztel ang pinag-ipunan ni Amira subalit tumalsik lang siya palayo. Nakuha naman ng isa sa tatlong lalaki ang kahon at agad na binigay kay Pyrion.

    "Isang kwintas! Mukhang mamahalin 'to," saad ni Pyrion habang tinititigan ang hawak na kumikinang na kwintas.

    "Akin na 'yan!" Tumakbo si Lyztel at inabot-abot ang kwintas. Tumalon nang tumalon siya para maabot lang ang iniregalong kwintas.

    Hindi alam ni Haliya ang gagawin. Itinulak ni Pyrion sa damuhan ang batang babae. Patuloy pa ring walang reaksyon si Kavin subalit napuno na siya.

    "Tama na 'yan!" matapang na wika ni Kavin. Biglang nanahimik ang lahat at tanging bulusok ng mga tuyong dahon pababa ang maririnig.

    "Aba, matapang ka na." Lumapit si Pyrion kay Kavin. Halos magdikit na ang nga mukha nila sa sobrang lapit. "Hindi mo nga magawang ayusin ang sarili mo, 'tapos ipagtatanggol mo ang kapatid mo. Mukhang nakakalimutan nating ikaw ang laging nagpapaiyak sa kanya."

    Tinulak ni Pyrion si Kavin kaya napaupo si Kavin sa lupa. "Tandaan mo 'to. Mahina ka. 'Di mo kayang protektahan si Lyztel."

    Lalong uminit sa pagkakataong iyon dahil sa mga binitiwang salita ni Pyrion. Tahimik lang si Kavin at masamang nakatitig sa kanya. Mabuti na lamang at nakakita si Haliya ng mga pulang Fleorum na rumoronda.

    "Mukhang nakakalimutan nating may nagbabantay na pulang mga Fleorum. Paano kaya kung malaman ito ng council?" banta ni Haliya na hindi kakikitaan ng kabang ikinubli niya nang mga oras na iyon. Papalapit na ang mga Fleorum kaya tumakbo na ang apat.

    "Ang kwintas ko!" Nakangisi si Pyrion habang tumatakbo. Itinapon niya ang kahon sa malayong parte ng gubat kaya lugmok na lugmok si Lyztel.

    Alam niya kung paanong pinag-ipunan iyon ng kanyang Ima. Napakamahal niyon kaya malaki ang tyansang nagtipid ng ilang buwan ang kanilang Ima. Payak lamang ang pamumuhay nila at ang ganoong kwintas ay kaya nang magpakain sa kanila ng isang buwan. Wala nang mas hihigit pa sa ganoong sakripisyo pero parang normal lang na bato ito nang inihagis ni Pyrion.

    "Wala na ang pinaghirapan ni Ima!" Halos bawat araw ay umiiyak si Lyztel at kahit na sanay nang ganito ang nakikita ni Haliya, naaawa pa rin siya sa kanila.

    Simula nang bigla na lang maglaho ang dalawa pang kapatid nina Kavin at Lyztel, umikot ang emosyon. Ang dating ngiting abot-tainga at mga halakhakang abot-langit ay napalitan ng mga luhang halos kaya nang languyin ng sinoman. Mananatili na lamang ba talaga silang ganito o darating ang araw na magbabago ang lahat?

    Matapos ang insidente ay napansin ni Haliya na iika-ikang maglakad si Lyztel kaya tiningnan niya ang mga tuhod nito. "May sugat ka! 'Wag kang mag-alala at 'pag may nakita tayong puting Fleorum ay hihingi tayo ng tulong. Hahanapin din natin ang pinag-ipunan ng Ima Nimda mo."

    Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad at kumaway na lamang kay Kavin. Naiwan na lamang siyang nakatayo sa kawalan at naging estatwa na dahil wala man lang siyang imik o kahit anomang pagbati. Kinuha niya ang isang pick axe na nakatali sa kanyang likod. Ito ay gawa sa matitibay na mineral ng Altbas. Kulay itim ito na lumang-luma na subalit ang tulis nito ay hindi pa rin kumukupas.

    Nagsimula na siyang maglakad papuntang silangan. Nakayuko siyang maglakad at tanging paa lamang ng mga tao ang nakikita. Hindi niya nais na makita ng iba ang kanyang mukha ng sinoman sa daan. Nang makarating ay pinaulanan siya ng mga katagang...

    "Nandito na si Kavin, ang lalaking may nagyeyelong puso," wika ng isang lalaking panigurado ay kasamahan niya rin sa pagmimina. Subalit, nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Hindi niya pinapakinggan ang sinasabi sa kanya dahil totoo naman para sa kanya.

    Lagi niyang iniisip na wala siyang kwenta bilang kapatid. Ito rin ang naiisip niyang dahilan kung bakit siguro hindi na nagpakita ang dalawa pa niyang mga kapatid. Laging ito ang nasa utak niya kaya hindi siya nakikipag-usap sa kahit sinoman. Ayaw niyang makihalubilo sa iba dahil natatakot lang siyang iwan din siya sa huli.

    Nagsimula na siyang magmina sa madilim na kweba subalit, may mga puting Fleorum naman ang nagbibigay ng kaunting liwanag. Gamit ang kanyang pick axe ay paulit-ulit na pinukpok niya ang mga bato ng kweba. Umaasa siyang makakuha ng isang daang Kyromma o mga mineral dito sa Atbas.

    Napatigil siya nang saglit at pinagmasdan nang maigi ang hawak na pickaxe o ang tinatawag niyang Melcia. Mula sa hawakan hanggang sa pinakamatulis na parte nito— pinapaalala nito ang naunang may-ari— si Makrus.

    Ang Melcia na lamang ang tanging naiwan ni Makrus, ang ikalawa sa magkakapatid, sa kanya. Mas pinapahalagahan niya pa ito kaysa sa buhay ninoman at nangangakong dala-dala niya pa rin ito hanggang sa araw na magkikita silang muli.

    Nagpatuloy na siya sa gawain. Iba't-iba ang kulay at hugis ng maaaring makuhang Kyromma ni Kavin subalit iisa lang ang kinang. Ginagawa niya ito upang maging kapalit bilang pagkain sa gabi. Kapag sumosobra sa isang daan ang nakukuha niya ay nakakakuha siya ng salapi at ito ay iniipon niya.

    Nag-iiyakan na ang balat niya sa labis na pawis subalit hindi pa rin siya tumigil.

    "Kumain ka muna. Baka mapanis ang pagkain mo," saad ng isang lalaking nagmamalasakit sa kanya subalit, wala siyang pakialam at patuloy pa rin sa pagmimina.

    Nagpatuloy lang siya hanggang sa maka-isang daan. Nagpahinga siya at umupo sa mabatong lupa. Lumapit muli ang lalaki at pinaalalahang siya. "Malapit nang magdilim, pumunta ka na sa burol."

    Kaysa sa mga naunang araw, natapos niya agad ang gawain nang mas maaga. Madalas ay naabutan siya ng lalaking nagmimina pa rin.

    Naglakad na si Kavin papunta sa burol sa may silangan. Habang lumulubog ang araw ay lumulubog din nang paunti-unti ang puso niya. Sa bawat pag-apak, pangungulila ang dumadaan sa harap niya na unti-unting kinakain ang damdamin niya.

    Paulit-ulit niyang tinatanong sa sarili niya kung saan ba siya nagkulang. Iniisip niya ang mga sagot sa mga tanong na laging nagpapaikot sa ulo niya. Hanggang-ngayon kasi, ni isang anino ay wala man lamang paramdam ang dalawa niyang mga kapatid.

    Nakarating na siya sa burol sa silangan. Siya lamang ang taong naroroon dahil walang kahit sinoman ang nagnanais pumunta roon lalo kung gabi. Humarap siya sa papalubog nang araw. Ang kalangitan ay nagsisimula nang lamunin ng dilim kasabay ng pagpapaalam ng araw.

    Araw-araw siyang naghihintay sa tuktok ng burol at umaasang tutuparin ng kanyang mga kapatid ang pangakong doon din mismo nila binitiwan. Habang mas dumidilim ay isang anino ng babaeng may payat na pangangatawan at mahabang buhok ang papalapit. Napatayo agad siya at hindi makapaniwala.

    "Sorola, nagbalik ka na!"

Aki_sadi Creator