SA kaharian ng Gargareth ay may isang prinsipeng nagngangalang Shilvah. Maganda ang kanyang pangangatawan lalo na ang kanyang maamong mukha, mahaba at kulay ginto naman ang kanyang buhok at tila nangungusap naman ang kanyang mga asul na mata kaya nama’y hinahangaan siya ng kanyang nasasakupan.
Sa kanyang nalalapit na ika-labing walong kaarawan ay napagpasyahan ng hari at reyna na magdaos ng isang engrandeng selebrasyon na siya ring magiging daan upang makapili na ang Prinsipe ng kanyang mapapangasawa. Tatlong araw bago sumapit ang kanyang kaarawan ay sinamahan siya ng mahal na reyna upang maisukat ang mga itinahing damit para sa kanya.
“Subukan mo itong isukat, maganda ang tela nito.” utos ng reyna.
Nahihiyang kinuha ng prinsipe ang damit at tumungo sa likod ng bihisan. Namangha ang mahal na reyna nang lumabas ang mahal na prinsipe.
“Kahit ano’ng isuot mo ay tiyak na babagay sa ‘yo, anak!” ngumiti ang reyna.
“Inang Reyna, malungkot ko pong ipapaalam sa inyo na hindi po ito ang aking nais isuot sa nalalapit na okasyon. Maaari po bang ako ang pumili ng damit na aking susuotin?” malungkot na tanong ng prinsipe.
“Hindi maaari! Napag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na ito at hindi pa rin nababago ang aking pasya!” tumaas ang boses ng mahal na reyna na siya namang ikinalungkot ng prinsipe. Nilapitan siya ng mahal na reyna at tinapik siya sa balikat, “ginagawa ko ang lahat ng ito para sa iyong kapakanan.” saad nito.
Hindi na muling sumagot ang prinsipe, bagkus ay bumalik ito sa silid upang magpalit ng damit. Habang nagbibihis ay hindi maiwasan ng prinsipeng sagutin ang reyna sa kanyang isip. Hindi totoo ‘yan, Inang Reyna. Tanging ang iyong sarili at kaharian lamang ang iyong iniisip, hindi ang aking tunay na ninanais.
***
ISANG araw bago sumapit ang kanyang kaarawan ay napagpasyahan niyang tumakas sa palasyo at tumungo sa kagubatan. Sa dulo ng kagubatan matatagpuan ang napakagandang batis. Bulong-nulungan sa kanilang kaharian na ang nasabing lugar ay tirahan daw ng mga engkanto’t diwata, ang ilan nama’y nagsasabing nakakita sila ng dwende sa nasabing lugar ngunit hindi alintana iyon dahil ang kagubatan at batis ang kanyang takbuhan sa oras ng kalungkutan. Kitang-kita niya ang kanyang repleksyon sa malinaw na tubig, nais niyang manatili roon hanggang sumapit ang gabi. Labis ang kalungkutang nadarama niya dahil sa labis na paghihigpit sa kanya ng mahal na reyna. Ang tanging nais niya lamang ay makamit ang kalayaan ngunit ito’y hindi maipagkaloob sa kanya.
Malamig man ang gabi, ngunit nagsilbing yakap ang mga huni ng mga ibon at insekto sa kanyang paligid. Panatag ang kalooban niya sa mga sandaling iyon at ramdam niya ang kalayaan sa kanyang pag-iisa. “Kayganda ng gabing ito, kumikinang ang batis dahil sa liwanag ng buwan.” wika niya. “Kung maaari ko lamang baguhin ang pasya ng aking Ina, nais kong maging malaya!” buong lakas niyang naisambit ang kanyang saloobin.
Bigla siyang nakarinig ng kaluskos ‘di kalayuan sa kinaroroonan niya. “Sino’ng nariyan?” sambit ng prinsipe.
Isang malaking oso ang lumitaw sa kanyang harapan, sa pakiwari niya’y gutom na ito dahil na rin sa ikinikilos nito. Umalingawngaw sa buong kagubatan ang palahaw nito habang humahakbang paatras ang prinsipe ngunit mabilis siya nitong nasunggaban.
Napapikit ng mariin ang prinsipe nang mag-iba ang palahaw ng oso sa kanyang ibabaw. Ilang sandal pa’y binitawan siya nito’t tumakbo palayo, tumambad sa harapan ng prinispe ang mga nagkalat na dugo sa kanyang paligid. Luminga-linga upang hanapin kung sino ang nagligtas sa kanya.
“S-sinong?” nangangatal niyang tanong.
“Nasaktan ka ba mahal na prinsipe?” wika ng isang matipunong lalake na lumabas mula sa mga sanga. Marahil ay ito ang nagligtas ng sa kanya sa bingit ng kapahamakan. Napayakap ang Prinsipe sa kanya ng buong higpit na siya namang ikinagulat ng matipunong lalake. Hinagkan pa siya nito sa pisngi na siya namang sanhi ng pagpula ng buong mukha, kanyang nasilayan ang angking ganda ng Prinsipe, kung hindi lamang niya alam na isa itong prinsipe ay marahil mapapagkamalan niya itong babae. “Ayos ka lang ba, mahal na prinispe?” muling tanong nito.
Dama ng prinsipe ng matikas na pangangatawan ng lalake sa kanyang pagyakap, nagbigay ito ng kakaibang pakiramdam na ngayon lamang niya maranasan, nagsilbing panggising sa kanya ang muling pagtatanong sa kanya nito. “A-ayos lamang ako, hindi naman ako nasaktan. Salamat sa tulong mo.” nahihiya niyang sagot.
Nagkatitigan sila ng matipunong lalake, lalong lumakas ang pakiramdam na nais kumawala sa kanyang dibdib, parang may init na gusting lumabas mula sa kanyang kaloob-looban. Ngayon lamang niya ito naramdaman at hindi niya mawari kung ano ito.
Hinawakan ng lalake si Prinsipe Shilvah sa magkabilang balikat. “Ang mabuti pa, ihahatid na kita sa palasyo. Balita ko ay nagwawala na sa galit ang mahal na reyna kakahanap sa pilyong prinsipe,” biro nito.
Natawa si Prinsipe Shilvah sa biro nito, natulala ang lalake sa nakakabighaning ngiti ng prinsipe. Hinawakan ni Prinsipe Shilvah sa kamay ang lalake, “ayaw ko pa sanang umuwi, maaari bang samahan mo ako rito kahit sandali lang?” pag-aaya ng prinsipe.
Tila napasailalim sa mahika ng prinsipe ang matipunong lalake. Wala itong nagawa kundi tumango at samahan si Prinsipe Shilvah sa loob ng kakahuyan. Pumunta sila sa isang dako upang gumawa ng apoy. Nakaupo sila sa gilid nito upang magpainit nang magsalita muli ang matipunong lalake.
“Ako nga pala si Leodas, mahal na prinsipe, isang manlalakbay.” pakilala nito.
Nakaramdam ang prinsipe ng inggit sa nalaman, isa sa kanyang matagal ng inaasam ay ang makapaglakbay sa buong daigdig.
“Mabuti ka pa, nakakapunta kung saan mo man naisin. Samantalang ako’y tila isang preso sa loob ng aming kaharian.” ani nito.
“Bakit mo naman nasabi, mahal na prinsipe?” alanganing tanong ni Leodas sa mahal na prinsipe. Bakas ang lungkot sa mga matang nangungusap ng prinsipe at nanginginig na ang ang kanyang kalamnan sa lamig. Napagpasyahan ni Leodas na tanggalin ang kanyang suot na balabal at inilagay ito sa magkabilang balikat ng prinsipe.
“S…salamat” nahihiyang tinanggap ng prinsipe ang balabal ni Leodas.
“Huwag ka sanang magagalit mahal na prinsipe ngunit… tila hindi akma para sa isang prinsipe ang iyong kinikilos, kung hindi lamang kita kilala bilang prinsipe ng kahariang Gargareth ay iisipin kong isa kang… babae.” kamot ulo niyang ibinahagi ang kanyang saloobin.
“Babae naman talaga ako!” singhal ni Prinsipe Shilvah.
Kumunot ang noo ni Leodas sa nadinig, hindi niya mawari kung nagbibiro lamang ito ngunit sinagot niya pa rin ito ng seryoso.
“S-salamat.” nahihiyang tinanggap ng prinsipe ang balabal ni Leodas.
“Alam mo, para kang hindi lalake sa mga kilos mong ‘yan. Kung hindi kita kilala, sigurado iisipin kong babae ka!” napakamot sa ulo si Leodas.
“Babae naman talaga ako!” singhal ni Prinsipe Shilvah.
Lalong napakunot ng noo si Leodas sa narinig nito. Seryoso ang mukha ng prinsipe, mukhang hindi ito nagbibiro sa sinabi niya. Seryoso rin siyang sinagot ni Leodas.
“Hindi ko alam na… pusong babae ka pala, Prinsipe Shilvah.”
Natahimik ang prinsipe. Hindi niya kayang ipagtapat kay Leodas ang katotohanan tungkol sa tunay niyang pagkatao. Hindi niya masabi rito na may sumpang nakapaloob sa kanya.
Isang sumpa na matagal nang inililihim ng kanyang ama at ina sa buong kaharian.
Tinabihan ni Leodas ang prinsipe at inakbayan siya nito. “Hindi naman mahalaga kung ano’ng kasarian mo. Ang importante ay kung saan ka masaya. Lalake man o babae, lahat may karapatang mabuhay sa mundo, lahat ay malaya— pantay-pantay sa mata ng Lumikha.”
“L-leodas…”
Ang mga katagang iyon ni Leodas ang nagpaingay sa puso ng prinsipe. Mabilis ang tibok ng puso ng prinsipe. Sa wakas may taong nakaintindi rin sa pinagdaraanan niya ngayon. Ang hindi alam ng prinsipe pag-ibig na pala ang nadarama niya para sa manlalakbay. Hindi rin alam ng manlalakbay na ang prinsipe ay isinumpa!
Lumalalim na ang gabi at oras na para iuwi ni Leodas ang prinsipe sa palasyo. Pinatay nila ang ginawang apoy. Bago tuluyang umalis humarap si Prinsipe Shilvah sabatis saka nanalangin nang taimtim. Pinagmasdan naman siya ni Leodas, nang matapos manalangin ni Prinsipe Shilvah ay kanilang nilisan ang kakahuyan.
Isinakay ni Leodas ang prinsipe sa kabayo. Nasa harap ang prinsipe habang nasa likod niya si Leodas. Pakiramdam ni Prinsipe Shilvah, yakap siya ni Leodas. Dama nito ang init ng dibdib ng matipunong lalake, napakapit nang mahigpit sa bawyang ni Leodas ang prinsipe.
“Maraming salamat sa tulong mo, Leodas. Masaya ako’t nakilala kita.” ngiti ng prinsipe.
“W-wala ‘yon. Ang mahalaga ligtas ka, kumapit kang mabuti, mahal na prinsipe.”
***
NANG makarating
sa palasyo, nakaabang na ang mga kawal sa harap pa lang ng palasyo. Ibinaba ni Leodas si Prinsipe Shilvah sa kabayo at lumapit sa mga ito. Agad naming dinakip ng mga kawal ang manlalakbay na si Leodas. Hindi na lumaban si Leodas sapagkat tinutukan na siya ng espada bago pa man siya makapanlaban, bagkus, itinaas na lamang niya ang kanyang mga kamay na siya rin naman nilang nilagyan ng kadena.
“Sandali! A-ano’ng ibig sabihin nito? Ba’t n’yo siya hinuli?” takang tanong ng prinsipe.
“Ipinag-utos ng mahal na reyna na ikulong ang sinomang makikitang kasama ng prinsipe. Papatawan siya ng kaparusahan at ikukulong sa bilangguan!”
“A-ano? Hindi niya ako dinukot! Kusa akong tumakas sa palasyo! Wala siyang kasalanan! Pakawalan n’yo siya ngayon din!” mariing utos ng prinsipe.
Subalit hindi nakinig ang mga kawal. Tinangay pa rin nila si Leodas at pinasunod sa kanila. Tumakbo ang prinsipe upang habulin si Leodas subalit, pinigilan siya ng mga kawal. Hinarang ng mga ito ang kanilang espada upang hindi makalampas ang prinsipe.
“Leodas!” tawag ng prinsipe.
“Prinsipe Shilvah, huwag kang mag-alala! Ano man ang mangyari, sundin mo lang ang nasa puso mo!” sigaw ni Leodas.
Isinakay sa loob ng karwahe si Leodas. Dadalhin ng mga kawal ang pinaratangang lalake sa bilangguan. Nakaramdam ng kirot sa dibdib ang prinsipe, pakiramdam niya’y kasalanan niya ang nangyari, wala siyang magawa kundi pagmasdan ang papalayong karwahe.
Tikom ang dalawang palad ni Prinsipe Shilvah. Nagmamadali niyang pinuntahan ang kanyang ina, nang makarating sa loob ng kuwarto isang malutong na sampal ang bumungad sa pisngi ng prinsipe. Nabigla ang prinsipe sa ginawa ng reyna. Napawak siya sa kanyang pisngi habang pinipigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
“Ang lakas ng loob mong suwayin ang utos ko! Ilang beses mo ng ginawa ito ngunit ngayon hinding-hindi ko mapapalampas ang kalapastanganan mo!” galit na sermon ng reyna.
Hindi nagpatinag si Prinsipe Shilvah at sinagot niya ang kanyang ina. “Alam n’yong tumatakas ako sa palasyo ngunit pinadakip n’yo pa rin ang inosenteng tao!” sabat ng prinsipe.
Tinalikuran niya ang kanyang ina saka muling nagsalita. “Ni minsan hindi n’yo tinanong kung ano’ng gusto ko sa buhay, palagi na lang kayo ang nasusunod!” Hindi na napigilan ng prinsipe na sabihin ang kanyang matagal ng kinikimkim
Umapaw ang kinikimkim ng prinsipe, hindi niya napigilan ang sarili at inilahad niya ang lahat ng sama ng loob sa kanyang ina. Ang matagal nang itinatagong emosyon ng prinsipe ay kanyang pinakawalan. May kurot sa kanyang puso. Ngunit, hindi niya ito mapigilan.
“Tingin n’yo ba masaya ako sa ginagawa n’yong pagdidikta sa buhay ko? Wala akong kalayaang piliin ang gusto ko! Tingin n’yo ba gusto kong maging isang prinsipe? Ayoko!” bumulalas ang iyak ng prinsipe. Muli niyang hinarap ang kanyang ina.
Natahimik ang mahal na reyna sa ginawang pagsagot ng anak. Ni minsan hindi pa niya nakitang sumagot ito nang pabalang.
“Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako isinumpa! K-kung bakit, dalawa ang kasarian ko! Kung naging mabuting tao ka lang sana sa kapwa mo, kung hindi ka naging madamot at sakim— hindi sana ako magkakaganito!” sumbat ng prinsipe sa ina.
Tumakbo ang prinsipe palabas ng kwarto ng reyna. Naiwan sa isip ng reyna ang mga sinabi ng kanyang anak. Ito ang unang pagkakataon na nagsalita ang prinsipe nang ganoon. Naging matigas ang reyna, hindi pa rin ito natinag.
***
SAMANTALA, si Prinsipe Shilvah naman ay umiiyak na nagkulong sa kanyang kuwarto. Narinig niya ang mga kawal sa labas. Sumilip sa bintana ang prinsipe. Nagkalat din ang mga kawal sa ibaba. Talagang pinahigpitan ng reyna ang pagbabantay para hindi siya muling makatakas sa palasyo. Inaalala ni Prinsipe Shilvah si Leodas. Tumingala siya sa langit. Nagliliwanag ang mga bituin. Isa-isang pinahiran ng prinsipe ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi. Bakit kailangan mangyari ang ganito sa amin ng aking ina? Nasaan ka na ba Prosirfina?
Dumating ka na sana at iyong alisin ang sumpang nakapaloob sa akin. Mga
kataga sa isip ng prinsipe.
***
SUMAPIT ang kaarawan ng prinsipe. Ang lahat ay nakaayos na. Dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat. Sabik na ang mga dadalong prinsesa galing sa iba’t ibang kaharian. Nais nilang mapili ng prinsipe at maging reyna nito sa hinaharap.
Ngunit si Leodas ang tanging laman ng isip ni Prinsipe Shilvah. Madalas tulala, malungkot at walang gana ang prinsipe. Kapansin-pansin ang pagiging matamlay ng prinsipe. Maging ang reyna at hari ay napansin din ito.
Nakaupo sa kama si Prinsipe Shilvah. Ang gabing ito rin ang magpapasya sa magiging kapalaran ng prinsipe. Susundin ba niya ang nilalaman ng puso niya o patuloy na susunod sa kagustuhan ng kanyang inang reyna?
Tumunog ang trumpeta, hudyat na mag-uumpisa na ang kasiyahan. Sabay-sabay na nagtungo ang mahal na hari, reyna at si Prinsipe Shilvah sa harap ng trono. Kanilang ipinakilala ang kanilang anak sa lahat ng panauhin.
Ang lahat ng prinsesa sa paligid ay kinilig nang makita ang prinsipe. Lahat ng prinsesa ay magaganda ngunit wala ni isa ang pumukaw sa kanyang atensyon. Inumpisahan na ang sayawan, napuno ang bulwagan ng mga nagsasayaw na panauhin. Ang mga prinsesa naman ay naghihintay na mapansin sila ni Prinsipe Shilvah.
“Wala ka pa rin bang napupusuan sa mga prinsesa?” tanong ng reyna.
Umiling ang prinsipe. Binigyan niya ng alanganing ngiti ang reyna saka tumayo mula sa pagkakaupo sa trono. Natuwa ang reyna mukhang lalapitan na ng prinsipe ang mga prinsesa sa bulwagan. Nang makarating ang prinsipe sa gitna ay pinalibutan siya ng mga babae. Ngunit imbis na isayaw niya ang mga prinsesa bigla siyang tumakbo nang mabilis. Sobrang bilis na halos hindi na niya makita ang tinatakbuhan niyang daan.
Ang tanging narinig niya ay ang pagsigaw ng mahal na reyna upang habulin siya ng mga kawal ngunit hindi ito nagging hadlang, tumigil siya sa pagtakbo nang marating niya ang kagubatan. Hinahabol niya ang hininga at sinapo niya ang kanyang dibdib, tila gustong kumawala ng kanyang puso sa bilis ng kabog nito. Lumapit siya sa batis upang gawin ang kanyang nakasanayan, kitang-kita niya ng malinaw ang kanyang repleksyon at ang buwan na kayliwanag nang… biglang nagbago ang anyo ng paligid. Unti-unting lumitaw ang mga maliliit na liwanag na tila alitaptap at sinimulan siyang palibutan ng mga ito! Naglabasan rin ang mga hayop na nananahan sa kagubatan, tila gusto nilang masaksihan ang isang kaganapan na minsan lamang nila makikita. Napalibutan sila ng kulay berde sa paligid at may tila hugis tao na nanggaling mula sa buwan na ngayon ay papalapit sa mahal na prinsipe. Hindi siya makagalaw sa nasasaksihan ngunit nanlaki ang kanyang mga mata nang kanyang makilala kung sino ito.
“Kumusta ka na mahal na prinsipe? Sanggol ka pa lang nang huli kitang makita!” magiliw na bati ni Prosirfina.
“I-ikaw nga! Ang mangkukulam na nakatira rito sa kakahuyan! Ikaw ang kapatid ng mangkukulam na naglagay ng sumpa sa akin. Ikaw si Prosirfina, kay tagal kitang hinintay! Palagi akong nagpupunta rito dahil sa ‘yo.”
“Alam ko, kaya narito ako sa iyong harapan gaya ng ipinangako ko sa iyong mga magulang. Aalisin ko ang sumpang inilagay sa ‘yo ng kapatid kong si Kalifa. Alam kong malaki ang dinulot sa ‘yo ng sumpang ito.”
“Gusto kong maging isang ganap na babae!” agad na sambit ng prinsipe.
“Alam ko rin ang tungkol sa bagay na ‘yan. Naririnig ko ang mga dasal mo pero, paano ang iyong ina? Kaya mo bang suwayin ang gusto niya para sa iyong kagustuhan?” palaisipang tanong ni Prosirfina.
“G-gusto kong maniwala sa sinabi ni Leodas, gusto kong sundin ang dinidikta ng puso ko! Noon pa man ito na talaga ang gusto ko. Gusto kong magsuot ng damit pambabae, lagyan ng palamuti ang aking buhok. Gusto kong kulayan ang aking labi at magpaganda. Gusto kong makita ako ng mga tao bilang isang prinsesa! G-gusto ko ring… umibig.” biglang nahiya ang
prinsipe.
Sumagi sa isipan ng prinsipe ang mukha ni Leodas nang banggitin niya ang salitang ‘umibig’. Ngumiti si Prosirfina saka hinagkan nang buong higpit ang prinsipe.
“Ang pag-ibig hahamakin nito ang lahat, susuungin nito ang kahit na ano’ng pagsubok. May pagkakataong masasaktan ka ngunit hindi ibig sabihin ay susuko ka na.”
Napaisip si Prinsipe Shilvah sa mga sinabi ni Prosirfina. Saka lang nito naunawaan ang lahat. Kung bakit hindi maalis sa puso at isip ng prinsipe ang manlalakbay. Kung bakit sa unang pagkikita pa lang nila ay may kakaiba na itong nadamang init sa lalaki.
“Umiibig ka na, mahal na Prin— ang ibig kong sabihin, mahal na Prinsesa.”
Napahawak ang prinsipe sa kanyang dibdib nang tawagin siyang prinsesa ni Proserfina. Lumiwanag ang mukha ni Prinsipe Shilvah. Iyon talaga ang nais niyang itawag sa kanya. Ngunit, hanggang hindi pa nawawala ang sumpa mananatili siyang prinsipe sa mata ng lahat.
“Sapat na ang mga ipinakita mo sa akin ngayon upang tuparin ko ang iyong nais. Subalit, hindi ito magiging madali dahil haharap ka sa isang pagsubok.”
Determinado si Prinsipe Shilvah. Ano man ang pagsubok na iyon handa niya itong harapin.
***
SA mga sandaling iyon ay naantala ang kasiyahan sa palasyo. Magkasama ang hari at reyna sa veranda, inaabangan ang pagdating ng mga kawal na kasama ang kanilang anak. Hindi napigilan ng reyna na maiyak at alalahanin ang nakaraan.
Ipinagbubuntis noon ng reyna ang kanilang anak ng hari. Dahil sa kagustuhan ng reyna na magkaroon ng anak na lalake. Kanyang ipinatawag ang lahat ng mga pantas sa buong kaharian. Naniniwala kasi sila na kapag binasbasan ng makapangyarihang pantas ang sinapupunan ng reyna ay matutupad nito ang hiling ng reyna na maging lalaki ang kanyang anak.
Binasbasan ng tatlong makapangyarihang pantas ang sinapupunan ng reyna. Hindi inaasahang dumating ang isang pulubi, tinapay at tubig ang kanyang daing. Subalit pinakitaan siya ng hindi kagandahang asal ng reyna. Hindi siya nito binigyan ng kahit ano. Ipinagtabuyan pa niya ito palabas ng palasyo. Marumi at hindi kanais-nais ang hitsura ng babaeng pulubi, ayaw na ayaw iyon ng buntis na reyna.
Ang hindi nila alam, ang pulubing ito ay isang makapangyarihang mangkukulam, si Kalifa. Ang itim na mangkukulam na naglalakbay sa buong mundo. Nangilabot ang mga pantas nang malaman ang tunay na katauhan ng pulubi.
Dahil sa kasamaan ng reyna, imbis na siya ang parusahan ang sanggol sa sinapupunan niya ang nilagyan ng sumpa ng mangkukulam. Ipapanganak ang sanggol na may dalawang kasarian, sa paglaki ng sanggol ay dadaan ito sa mabigat na pagsubok sa buhay. Mahaharap sa mabigat na pagde-desisyon ang sanggol sa itinakdang panahon.
Naglaho si Kalifa at kailanman ay hindi na nila nakita pa. Walang makatanggal ng sumpa kahit ang mga pantas. Hanggang sa isilang ng reyna ang sanggol. Tanging ang mga pantas at hari lamang ang nakakaalam ng sikretong ito. Hindi malaman kung lalake o babae ang anak ng reyna. Nagsinungaling ang reyna, ipinahayag niya na lalake ang isinilang niya.
Isang araw, lumitaw sa kanilang harapan si Prosirfina ang mangkukulam na naninirahan sa kakahuyan. Nakatatandang kapatid ni Kalifa. Nalaman niya ang ginawa ng kapatid. Alam din niya ang sumpang ibinigay nito sa sanggol. Nangako si Prosirfina na aalisin niya ang sumpa ng kapatid sa takdang oras.
Kailangan muna ng sanggol na lumaki hanggang sa sumapit ang kanyang ika-labing walong taon. Babalik si Prosirfina at tuluyan na niyang tatanggalin ang sumpa. Lumipas ang panahon, hindi na muling nakita si Prosirfina. Dahil sa kagustuhan ng reyna na magkaroon ng anak na lalake ay pinangalanan niyang Shilvah ang anak. Kanyang binihisan at pinalaki ang sanggol bilang isang prinsipe, isang prinsipeng magmamana ng trono ng kaharian sa hinaharap. Ipinagsiksikan ng reyna sa isip ng bata na dapat siyang maging isang tunay na lalake. Walang magawa ang hari sa pasya ng kanyang asawang reyna. Sunod-sunuran ito sa kagustuhan ng asawa.
Hanggang sa isang araw, biglang nakaramdam ng pagbabago ang prinsipe. Unti-unti niyang nagustuhan ang makukulay na damit pambabae. Gusto rin niya ang laruang manika. Sa tuwing makikita niya ang palamuti ng reyna sa buhok ay sinubukan niya ito. kinukulayan din niya ang kanyang labi ng pula.
Hindi ito nagustuhan ng reyna. Lahat ng maaaring makita ng anak niya na pambabae ay ipinaalis niya sa palasyo. Maging ang reyna ay hindi na rin nagsusuot ng makapal na kosmetiko sa mukha. Ginawa ng reyna ang lahat upang maging ganap na lalake ang kanyang anak. Ang pagkakamali ng reyna ay hindi niya kailanman pinakinggan ang kagustuhan ng anak.
Walang hangad ang reyna kundi ang kapakanan ng kaharian. Ang trono na iiwan ng kanyang asawang hari sa tagapagmana nito. Isang prinsipe na mamumuno ang kailangan ng kaharian at hindi isang mahinang prinsesa.
***
NAKAKAGULAT na balita ang gumulantang sa buong kaharian. Natagpuan ang katawan ni Prinsipe Shilvah sa kagubatan ng walang buhay. Nakahiga sa mahaba at malaking bato sa tabi ng batis. Iniuwi ng mga kawal ang bangkay ng prinsipe sa palasyo.
Walang may alam kung ano ang tunay na nangyari, walang bahid ng dugo o ano mang bakas na nagsasaad na pinatay ang prinsipe. Halos gumuho ang mundo ng hari at reyna nang makita ang kanilang walang buhay na anak.
Ang masaya sanang selebrasyon ng kaarawan ng prinsipe ay naging malungkot. Naging madilim ang paligid, ang lahat ay nagdadalamhati at umiiyak. Inilagay ang katawan ng prinsipe sa isang bukas na ataul na gawa sa diyamante at nilagyan ng mga sariwang bulaklak ang paligid. Parang natutulog lang ang prinsipe kung titingnan.
Sa gitna ng kanilang kalungkutan, biglang dumating si Prosirfina. Nagulat ang lahat sa kanyang pagdating. Humarang ang mga kawal upang protektahan ang reyna. Sumenyas ang hari sa mga kawal na ibaba ang kanilang sandata, sumunod naman ang mga kawal.
“Hindi pa siya patay!” sambit ni Prosirfina.
Nagtaka ang reyna sa nadinig. Natulala naman ang mga tao sa paligid nang lumulutang sa kawalan ang babaeng nakasuot ng puti at mahabang bestida.
“P-prosirfina? Nagbalik ka! Narito ka upang alisin ang sumpa sa anak ko hindi ba?!” atubiling tanong ng reyna.
Tumango si Prosirfina at lumapit sa nakahimlay na prinsipe, lumapit ang reyna at muli itong kinausap.
“A-ang sabi mo’y hindi pa siya patay? Kung gano’n bakit hindi na siya huminga? A-ano’ng nangyari sa kanya?” nagtatakang tanong ng reyna.
“Ginamitan ko lang siya ng mahika. Pinahinto ko ang tibok ng puso niya dahil sa isang pagsubok. Bago lubos na matanggal ang sumpa, kinakailangan niyang magpasya ayon sa sarili niyang kagustuhan.”
“P-pero, pinalaki ko siya bilang isang prinsipe at hindi isang prinsesa! Gusto kong gawin mo siyang tunay at ganap na lalake at hindi isang babae!” singhal ng reyna.
“Bakit gano’n na lang ang kagustuhan mo na maging ganap na lalake ang anak mo? Ayaw mo ba siyang makitang masaya? Hindi ba’t ang kasiyahan ng anak ang isa sa ninanais
ng mga magulang?” mga katanungan ni Prosirfina sa reyna.
“Hindi mo naiintindihan! Ang lahat ng ginagawa ko ay para sa kabutihan niya!” nangingiyak na tugon ng reyna.
“Ikaw ang nagkakamali! May sariling buhay ang anak mo. May sarili siyang pag-iisip. Hindi mo siya maaaring diktahan habang buhay. Sinabi sa akin ni Kalifa ang kasamaan ng pag-uugali mo. Naniwala akong magbabago ka sa pagtagal ng panahon. Subalit nagkamali ako. Hindi mo binigyang laya ang anak mo. Ngayon, tingnan mo ang ginawa mo. Sumobra ka sa paghihigpit sa kanya! Halos wala na siyang sariling buhay dahil sunod-sunuran na lamang sa ‘yo.”
Hindi nakaimik ang reyna sa paliwanag ni Prosirfina. Lumapit ang hari, inakbayan ang naguguluhang asawa.
“Sa pagkakataong ito, magsasalita ako. Hindi dahil sa sinusuway kita. Para ito sa ating anak. Ayokong mawala ang nag-iisa nating anak. Maging lalake man o babae, galing siya sa ating dalawa. Anak natin siya at dapat natin siyang suportahan sa kasariang pipiliin niya,” pahayag ng hari.
Lalong hindi nakaimik ang reyna. Napaluhod ito hawak ang kamay ng anak. Nagkatinginan ang hari at si Prosirfina. Tumango ang hari, hudyat na ipinapaubaya na nila ang anak sa mangkukulam.
Ikinumpas ni Prosirfina ang hawak niyang mahiwagang patpat. Binigkas ang mahiwagang salita na siya lang ang nakakaunawa. Pinalibutan ng berdeng mahika ang paligid. May usok na lumitaw at pinalibutan ang bangkay ng prinsipe. Lahat ay namangha sa kanilang nasaksihan.
Nagliwanag ang buong katawan ng prinsipe.
“Upang lubos na matanggal ang sumpang nakapaloob sa inyong anak, kailangan na lamang siyang gisingin ng taong kanyang iniibig. Isang halik, halik na makapagbabalik ng pintig ng kanyang puso.”
Tumayo ang reyna at inutusan ang mga kawal. Pinatawag niya ang lahat ng prinsesa at mga babae sa buong kaharian. Isa-isa nilang hahalikan ang prinsipe. Kung sino ang makakapagpabalik sa tibok ng puso ng prinsipe ay gagantimpalaan ng reyna.
Napailing at napabuntong-hininga ang hari at si Prosirfina sa ginawa ng reyna. Ipinipilit pa rin nito ang kagustuhan na maging ganap na lalake ang kanyang anak. Sumunod ang mga kawal sa reyna.
Ang lahat ng dalaga sa buong kaharian ay pumila. Isa-isa nilang hinalikan ang prinsipeng nakahimlay. Sa loob lamang ng dalawang araw ay naubos ang mga babaeng nagpunta sa palasyo ngunit hindi pa rin nagising ang kanyang anak. Muling lumapit si Prosirfina sa hari’t reyna.
“Mahal na Reyna, sigurado ka bang babae ang iniibig ng iyong anak? Tinanong mo ba siya kung ang pagiging prinsipe ang nais niya?” palaisipang tanong ni Prosirfina.
“Natural! Isang prinsipe ang hangad naming mag-asawa. Lalo na ako! Isang anak na lalake ang kailangan sa kahariang ito at hindi isang prinsesa!” may galit sa pananalita ng reyna.
Umiling si Prosirfina. Muli niyang pinaunawa sa reyna na hindi basta halik ang kailangan upang tuluyang mawala ang sumpa at magising ang kanyang anak. Tunay, wagas at dalisay na pag-ibig mula sa puso ng taong iniibig ng prinsipe ang kailangan.
Napukaw ang atensyon nila nang makarinig sila ng ingay sa labas ng palasyo. Isang matipunong lalake ang gustong pumasok sa loob ng palasyo ngunit pinipigilan siya ng mga kawal. Si Leodas ang manlalakbay. Tinulungan siya ni Prosirfina na makalabas sa bilangguan. Nagtungo siya ngayon sa palasyo para makita ang nakahimlay na prinsipe.
“Hayaan n’yo siya!” sambit ni Prosirfina.
Pinapasok ni Prosirfina si Leodas sa loob. Gusto pa sanang pigilan ng reyna ang manlalakabay subalit mismong ang hari na ang pumigil sa kanyang asawa. Lumapit at lumuhod si Leodas sa nakahimlay na katawan ng prinsipe. Hinaplos ang pisngi at hinawi ang mahabang buhok. Hinawakan niya ang kamay ng prinsipe bago nagsalita.
“Alam kong hindi ang pagiging prinsipe ang nais mo. Alam ko na ang sumpang nakapaloob sa ‘yo. Akala ko pinaglalaruan lang ako ng puso ko. Ngayon, sigurado na ako— mahal nga kita, prinsesa! Sabi ko magtiwala ka sa puso mo… ako rin magtitiwala na rin ako sa nararamdaman ko para sa ‘yo. Kaya gumising kana, mahal ko.”
Isang halik ang ginawa ni Leodas sa labi ng prinsipe. Lumabas mula sa nakahimlay na katawan ang itim na sumpa, naglaho ang itim na mahikang nakapaloob sa katawan ng prinsipe at lumiwanag nang husto ang kanyang katawan. Nang alisin ni Leodas ang kanyang labi sa labi ng prinsipe ay nagbagong anyo ito.
Pumipilantik ang mahahabang pilikmata, ang katawan nito ay naging balingkinitan, nagkaroon ng umbok ang kanyang dibdib, sa kanyang pagmulat ng kanyang mga mata ay isa na
siyang ganap na prinsesa.
“L-Leodas?!”
Nagbago ang tinig ng dating prinsipe, naging malumanay na ito at mahinhin. Agad niyang niyakap ang kanyang tagapagligtas.
“Isa ka ng ganap na prinsesa,” bulong ni Leodas.
“Salamat, Leodas… mahal ko.”
Isang halik muli ang ginawa ng dalawa. Sa pagkakataong ito ang prinsesa ang humalik sa kanyang tagapagligtas. Nasaksihan ng lahat ang pagbabagong ito at naantig ang damdamin nila sa ipinakitang pag-iibigan ng dalawa. Pumalakpak ang lahat, buong puso nilang sinalubong ang prinsesa. Tinanggap nila na wala na ang prinsipe ng kaharian ng Gargareth. Isang napakagandang prinsesa na ang kanilang titingalain at susubaybayan ngayon.
“Nakapili na siya ng kanyang kasarian, ang gusto niya’y maging prinsesa at hindi prinsipe! Tanggapin natin siya nang buong puso! Wala na si Prinsipe Shilvah— siya na ngayon si Prinsesa Sheerah!”
Inanunsyo ni Prosirfna sa lahat ang balita. Wala nang nagawa ang reyna kundi tanggapin nang bukal sa loob ang napiling landas ng kanyang anak. Nilapitan siya ni Sheerah niyakap nang buong higpit ang ina.
“Mahal kong Ina, patawad po sa pagsuway ko sa kagusuthan n’yo. Pero, ito po talaga ako! Gusto ko pong tanggapin n’yo ako, bilang ako!” paliwanag ni Sheerah.
Tumango ang reyna. Mahigpit niyang niyakap ang anak saka humingi ng tawad. “Alam ko. Alam ko noon pa man, iyan na talaga ang nais mo. Natatakot lang akong tanggapin
ang katotohanan. Ikaw ang kaisa-isang tagapagmana ng kaharian. Patawarin mo ako, Sheerah. Dahil sa kasamaan ko, ikaw ang nahirapan. Ikaw ang isinumpa. Patawad!”
“Mahal na mahal po kita, Ina. Magsimula po tayong muli. Para sa buong kaharian ng Gargareth! Gawin natin ang mga bagay na makapagpapasaya sa ating lahat!”
“Tama, pinagsisisihan ko na ang mga nagawa kong pagkakamali. Sa pagsisimula natin, gawin nating mas masaya at makabuluhan ang bawat araw.”
Pumalakpak ang lahat. Ipinagpatuloy nila ang selebrasyon ng kaarawan ni Prinsesa Sheerah. Nagpasalamat ang hari at reyna sa ginawang pagtanggal ni Prosirfina sa sumpa. Nagpaalam
na siya at bumalik na sa kagubatan. Ang mahal na reyna ay hindi na nagpapakita ng hindi kagandahang asal. Mas lalo pa nilang pinabuti ang pagsasama bilang isang pamilya.
***
LUMIPAS ang ilang taon, nagpakasal sina Leodas at Prinsesa Sheerah at namuhay ng payapa at masaya. Magkasamang naglalakbay ang mag-asawa sa buong mundo. Ipinasa ni
Prinsesa Sheera ang korona sa kanyang nag-iisang anak. Naiwan sa pangangalaga ng hari at reyna ang kanilang apo, isang napaka-gwapong prinsipe.
Sa tuwing may lalapit na kapos-palad, kanila itong pinapatuloy sa palasyo upang bigyan ng makakain. Ayaw ng maulit ng reyna ang nagawa niyang pagkakamali noon.
Itinakwil ang masamang gawi at pinalitan ng pusong mapagmalasakit. Ito ang itinuturo sa batang magmamana ng kaharian. Itinuturo nila ang kabutihan sa apo. Habang hinihintay ang pagbabalik ng mag-asawa sa palasyo, sinisigurado nila na hindi malulungkot ang kanilang apo.
Sa paglalakbay ng mag-asawa ay hindi inaasahan na magkakasalubong ang landas nina Prinsesa Sheerah at Kalifa. Galling sila sa ibang kaharian at pauwi na sa Gargareth nang magkrus ang landas nila.
“Mula ka sa kaharian ng Gargareth, tama?” tanong ni Kalifa.
“Opo, pauwi na kami ng asawa ko. Sabik na kaming makasama ang aming anak. Marami kaming ikukuwento sa kanya pag-uwi sa palasyo,” sagot ni Prinsesa Sheerah.
“Nakikita ko sa mga mata mo na… hindi ka nagkamali sa iyong pinili. Mauna na ako, Prinsesa!”
Hindi siya nakilala ng Prinsesa ngunit bakas sa mukha ni Kalifa ang kasiyahan sa piniling landas ni Prinsesa Sheerah, ang sanggol na kanyang isinumpa sa loob ng sinapupunan ng kanyang inang reyna.
WAKAS
Author: Salamat po sa patuloy na pagsuporta sa akin, sanay nagustuhan nyo po ang aking kwento.