undefined

 Ang Susunod na Paroroonan ng mga Kinatawan  

 Matapos makita ni Ambahan ang mga pangitaing ibinahagi sa kanya ni Tilhati, tila ba
binangungot siya nang nakadilat. May kaunting pawis na namuo sa kanyang pilipisan(sentido)
na dumaloy pababa ng kanyang panga. Nanghina rin ang kanyag mga tuhod. Dugo.
Nalunod sa karagatan ng dugo ang buong Itnikus. Hindi niya mahanap ang
nararapat na salitang dapat niyang sambitin upang matigil ang katahimikan sa
gitna nila. 

 “Ipagpaumanhi mo sana kung pilit kong ipinakita sa iyo ang aking pangitain.” Tumalikod si Tilhati at naglakad
pabalik sa kanina niyang kinatatayuan. “Iyon lamang ang naisip kong
pinakamadaling paraan upang kami ay paniwalaan mo.” Humarap siya ulit sa kanila.
“Nang hindi ka na sa amin mag-alinlangan pa.” 

 Tinitigang mabuti ni Kusogsinon si Ambahan. Napapakisap-kisap ito habang nakanganga at ibinababa ang tingin sa
sahig. Ngumiwi si Kusogsinon at inilipat ang tingin kay Tilhati. “Mukha yatang
mas mag-aalinlangan pa nga siya.” 

 Napatingin din si Tilhati kay Kusogsinon. Napataas ang isang kilay niya sa pagngiwi ng baguntao(binata) sa
kanya. Sunod niyang tinignang si Ambahan. Nakita niya ang pagkinang ng mga
butil ng pawis nito sa kanyang noo at ang naka tulala nitong kalagayan. Napalunok
si Tilahti nang mapagtanto ang naging bunga ng kanyang ginawa. Namula ang
maputla niyang pisngi. Iniiwas niya ang kanyang tingin sa kanila. Wala sa loob
niyang hinawi papunta sa likod ng kanyang tainga ang nakalaylay na hibla ng
kanyang buhok upang maipit ito roon.  

 Tumikhim si Kislap upang tapusin ang nakakailang nilang kalagayan. Lumapit pa siya nang kaunti sa
lalabintauning(tenidyer) Lilaw’non. “Ambahan, hindi ka namin masisisi kung
nasindak ka nang malubha sa iyong mga nakita. Ngunit may magagawa ka pa upang
hindi iyon mangyari sa ating hinaharap.” 

 Lumapit na rin si Kutitap. “Kasama sina Kusogsinon, Tilhati, Daklilan, at Ilanggayan ay magagawa ninyong
mapigilan ang kalunos-lunos na pangyayaring iyon.” Lumapit pa siya nang kaunti
sa balikat ni Ambahan at tinapik siya nang marahan. “Hindi maaaring magkamali
sa pagpili sa iyo si Anitong Pilakang Aliya. Kaya sana manalig ka rin sa
kakayahan mo.” 

 Nang marinig ni Ambahan ang pangalan ng Anito ng Buwan at Pagtatanghal, bumalik sa tama ang kanyang diwa.
Bigla niyang iniangat ang kaniyang paningin sa kambal. “Kung ganoon ay isinugo
nga kayo ng mga Anito upang pumarito?” 

 “Siyang tunay,” sabay na wika ng kambal habang napapatango. 

 Subalit randam parin ni Ilanggayan ang pag-aalinlangan ni Ambahan. Lumapit na rin siya at umupo sa tabi
ng kaibigan habang nakahawak ang kanyang kamay sa braso nito. “Amba, kahit ako
man ay lubhang nagulat nang ako ay kanilang sadyain sa Herbuna at sabihing isa
ako sa mga napiling pangalagaan ang kaligtasan ng Itnikus.” Binitawan niya ang
braso ni Ambahan at umupo nang nakaharap sa iba pang kasama nila. “Noong una ay
hindi rin ako makasagot sa kanilang paanyaya. Ngunit noong nakita ko kung paano
manganib ang buhay ng aking mga magulang at mga katribo, doon ko napagpasyahang
mas mahalaga sa akin ang kaligtasan nila kaysa sa kaligtasan ko.” 

 Sa sinabing iyon ni Ilanggayan, bumalik din sa ala-ala ni Ambahan kung paanong kamuntikan nang mapahamak ang
kanyang ama at tiyohin noong sumugod sa tribo nila ang mga awang’ang. Napabuntong-hininga
siya. “Noong nagpakita sa akin si Anitong Pilakang Aliya at sinabi sa aking ako
ang kanyang napiling maging kinatawan, lubos akong nagulumihan. Subalit ngayong
kayo ay naririto, akin nang napagtanto na ito pala ang kanyang nais ipahiwatig
nang mga panahong iyon.” 

 “Hindi ka naman po mag-iisa, Kuya Amba. Magkakasama po tayo!” nakangising wika ni Daklilan. 

 Napatingin sa labas ng lagusan ng silid si Ambahan. Natahimik siya nang ilang sandali at muling bumaling sa
kanila. “Ngunit papaano ko ito ipapaliwanag sa aking mga magulang?” 

 Nagkatinginan sina Kislap at Kutitap. Nakangiti si Kutitap at napangisi naman si Kislap nang makita iyon.
Nagpamaywang siyang humarap kay Ambahan at kumindat. “Hindi mo na dapat
inaalala pa iyon, Amba.” 

 Kumunot ang noo ni Ambahan. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?” 

 Lumapit si Kutitap kay Tilhati. “Kayang-kaya ipaliwanang nang maiigi ni Tilhati ang lahat ng ito sa iyong mga
magulang.” 

 Napakislot si Tilhati. Kung maaari pa ay ayaw na sana niyang gawin pa ulit ang ginawa niya matapos ang
nangyari kay Ambahan. “S-sandali lamang...” 

*** 

Hindi na nakasalungat pa si Tilhati. Napilitan siyang gamitin muli ang kanyang kapangyarihan
upang ibahagi ang kanyang pangitain sa mga magulang ni Ambahan. Pawang
nanlalaki ang mga mata at napapanganga sina Anislaw at Salmaya habang
nasisilayan ang mga pangyayari sa pangitain. Namuo na rin ang mga butil ng
pawis sa kanilang mga noo. Hindi nagtagal ay napatili na sa takot si Salmaya at
hinimatay. Agad namang nasalo siya ni Anislaw. 

 Hindi nag-atubiling pinalabas ni Tilhati ang kanyang kam’aw. Agad niyang pinitik ang kanyang mga daliri
upang masindihan ang kamanyan sa gitna nito. Nang ito ay nagkausok na, hinawi
niya ito patungo sa mag-asawa. Nalanghap nila ang usok at agad nagitigil ang pagtakbo
ng pangitain sa kanilang isipan.  

Dali-dali namang nilapitan ni Ilanggayan si Salmaya at hinawakan ang
kanyang pulsohan. Sandali niyang dinama ang pagpitik ng pulso ng ginang saka
inalis sa kanyang likuran ang kanyang tampipi(bag). Binuksan niya at
sinipat ang loob nito. Sunod niyang ipinasok ang kanyang kamay doon at nang hilahin
niya ito palabas ay hawak na niya ang maliit na supot na gawa sa tela. Binuksan
niya ang nakataling bunganga nito at humalimuyak ang matapang ngunit
kaaya-ayang amoy. Itinapat niya ito sa ilong ni Salmaya. 

  Nang maamoy iyon ng ginang ay kumislot-kislot ang mga mata nitong nakapikit. Unti-unti siyang dumilat ang napatitig sa hawak
ni Ilanggayan na nakatapat sa ilong niya. Isang maliit na supot na naglalaman
ng parang mga pinatuyong dahon at talulot ng mga bulaklak. Napakisap-kisap siya
sa pagtataka. 

 Ngumiti si Ilanggayan. “Huwag po kayong mag-alala. Mga pinatuyong dahon ng minta-minta at talulot ng
bulaklak ng mirtales lamang po ang laman nito. Mabisa po itong
pampabalik ng ulirat ng mga nahimatay.” 

 Marahang nilingon ni Salmaya si Anislaw. Napansin niyang nakasandal nakasandal siya sa dibdib ng kanyang asawa
habang ang isang braso ng ginoo ay nakaalalay sa likod niya. Narandaman din
niyang bahagyang mabigat ang kanyang ulo at umiikot ang kanyang paningin.
Hinipo niya ang kanyang pilipisan. “N-nahimatay pala ako.” Marahan niyang
itinuwid ang sarili upang makaupo nang maayos. Sinulyapan niyang muli si
Ilanggayan. “Maraming salamat, Gayan.” Nakangiti man siya ay matamlay parin ang
kanyang tinig. 

 Nang makahanap ng pagkakataon si Anislaw, tumikhim siya upang tawagin ang pansin nilang lahat. “Kung hindi
lamang kami nakaranas ng lagim ng kadiliman dito sa Batinglilaw, hindi ko sana
kayo paniniwalaan.” Nagpakawala siya ng hininga habang naka tingin sa sahig.
“Ang hindi ko lamang lubos maunawaan ay kung bakit sa dinami-rami ng mga
Itnikanong nasa wastong gulang na, bakit kayo pa?” Iniangat na niya ang kanyang
paningin sa kanila. Inisa-isa niya silang tinitigan. “Maliban lamang kay Kusog,
ang natitira sa inyo ay hindi naman mga mandirigma. Papaano ninyo lalaban ang
panig ng mga kalaban?” 

 Biglang lumitaw sa gitna nila, sa harapan mismo nina Anislaw at Salamaya, sina Kislap at Kutitap. Napaurong ang
mag-asawa dahil sa pagkabigla. Tumango nang marahan ang kambal para sa pagbati.
Agad din silang sumulyap kay Ambahan na nakatayo lamang malapit sa kanyang mga
magulang. Ngumiti lang sila sa kanya. 

 Unang kumilos si Kutitap at lumapit kay Ambahan habang nakatingin parin sa mag-asawa. “Naaalala ninyo pa ba
noong hindi kayo magkaanak kaagad? Isinamo ninyo kay Anitong Pilakang Aliya na
sana ay magkaanak na kayo. Naitakda na sana ni Anitong Mata’ang Masilat na
hindi magkakaanak kailan man si Salmaya. Subalit naawa si Anitong Pilakang
Aliya sa inyo sapagkat alam niyang tapat kayo sa kanya. Kung kaya’y ipinakiusap
niya kay Anitong Mata’ang Masilat kung maaari bang maiba ng kaunti ang inyong
kapalaran. Sa maikling salita, nabiyayaan kayo ng isang anak.” Nilingon niya si
Ambahan. “Walang iba kung hindi si Ambahan.” 

 Si Kislap naman ang nagsalita. “Ngayon ay si Anitong Pilakang Aliya naman ang nangangailangan ng tulong ninyo.
Huwag ninyo sana siyang tanggihan.” Labag sa loob ni Kislap ang tila panunumbat
na ginagawa nila. Subalit may tungkulin silang dapat gampanan para sa hinaharap
ng Itnikus. Lumapit siya sa mag-asawa. “Isa pa, may basbas ni Anitong Pilakang
Aliya si Amba. Kung kaya’t siya na rin mismo ang napiling maging kinatawan ng
Anito ng Buwan at Pagtatanghal.” 

 Nagkatinginan ang mag-asawa nang matagal. Ngumiti nang matamlay si Anislaw sa asawa at tumango nang marahan.
Nangilid ang mga luha sa mga mata ni Salmaya. Napayuko siya at pumikit upang
mapigil ang pagtulo ng mga ito. Huminga siya nang malalim bago sila nilingon. 

 Suminghot sandali si Salamaya. Pilit siyang ngumiti. “Kung iyan ang nais ni Anitong Pilakang Aliya, papayag
kaming sumama sa inyo si Ambahan.” Magaralgal ang kanyang tinig. “Ngunit
sana... sana ay... huwag niyang bawiin sa amin ang aming anak. Siya lang ang
nag-iisa naming anak, ang aming kayamanan.” Hindi na niya nagawang pigilan pa
ang kanyang mga luha. 

 Umiling si Kislap. “Hindi iyon gagawin ni Anitong Pilakang Aliya.” 

 Lumapit rin ulit si Kutitap sa kakambal. “Alisin ninyo ang inyong pangamba ayon sa bagay na iyan. Makakabalik
si Ambahan sa inyo.” 

 Napangiti si Salmaya sa gitna ng kanyang pagluha. Binalingan niya ng tingin si Anislaw at niyakap ito. Gumanti
ng pagyakap si Anislaw sa kanya. Napangiti na rin ito at tumingin kina Kislap
at Kutitap. “Maraming salamat kung ganoon.” 

*** 

Matapos mabigyan ng basbas ni Punong Titinglaw si Ambahan, humayo na rin sila upang
magpatuloy sa kanilang paglalakbay. Gayon pa man, tila mabigat parin ang mga
hakbang ni Ambahan. Masaya siyang nakakilala ng mga bagong kaibigan. Ngunit
kung siya ang masusunod, mas gugustohin niyang nasa tahimik at iisang lugar lamang
upang magmuni-muni. Ang kanyang pagsama sa pangkat nina Ilanggayan ay babaguhin
ang lahat ng iyon.  

 Napansin ni Ilanggayan na tila nahuhuli sa paglalakad ang kaibigang Lilaw’non. Binalikan niya ito at naglakad kasabay
niya. “May dinaramdam ka ba, Amba? May mga halamang gamot akong dala rito.”
Tinapik niya ang ilalim ng kanyang tampipi(bag) sa kanyang likuran.
“Magsabi ka lang.” 

 Sinulyapan ni Ambahan si Ilanggayan. Ngumiti siya nang pilit. “W-wala akong dinaramdam. Ano kasi,
Gayan.” Tumingin siya sa likuran ng mga kasamahan nilang naglalakad sa kanilang
unahan. “Hindi kasi ako sanay sa pakikisalamuha sa iba at mas lalong hindi rin
sa mahabang paglalakbay.” Hinawakan niya nang mahigpit ang tali ng kanyang kudyapi.
Nakadagdag man ito sa bigat ng dala niyang tampipi, hindi niya iyon
maaaring iwanan sa kanilang tahanan. Para sa mga Lilaw’non, kadugtong ng
kanilang buhay ang kanilang tinig o kagamitan sa pagtugtog. Hindi iyon maaaring
mawala sa kanila. 

 Palihim palang nakikinig si Daklilan sa usapan nila. Hindi niya masisisi si Ambahan kung iyon ang kanyang
nararamdaman. “Kuya Amba,” hindi na niya napigilan ang sariling magsalita.
“Maging ako man ay hindi ninais na iwan ang aking mga magulang, ang aming
tahanan, at ang Tribo Igoloy. Subalit hindi ko maaaring balewalain ang sugo ng
mga Anito. Itinuring ko na lamang itong karangalan para sa aking mga magulang
at tribo na maging kinatawan ni Anitong Agmitoy.” 

 Matagal na napatitig si Ambahan sa batang Igloy’non. Mas bata ito kaysa sa kanya, ngunit hindi niya inakalang
mas malalim ito kung mag-isip. Bumalantok nang paitaas ang magkabilang gilid ng
labi niya ngunit bahagya lamang. Malamlam na ngiti ang sumilay sa kanyang
mukha. “Nakakainggit ang iyong kalakasan ng loob, Daklilan. Sana’y magkaroon
din ako ng lakas ng loob na kagayo ng sa iyo.” 

 Bahagyang sumulyap sa kanila si Daklilan habang patuloy sa paglalakad. “Kanya-kanya po tayo ng paraan sa
pagkakaoon ng lakas ng loob, Kuya Amba. Matutoklasan ninyo rin ho kung papaano
ka magkakaroon ng sapat na lakas ng loob.” Bigla siyang huminto at tuluyang
nang hinarap sina Ambahan at Ilanggayan. Nagpamaywang pa siya nang nakangiti.
“At kung maaari po sana ay Lilan nalang din ang itawag ninyo sa akin tulad nina
Kuya Kusog, Ate Tilhati, at Ate Gayan.” 

 “G-ganoon ba? Mga kaanak kasi kami ng pinuno ng aming tribo kaya nasanay akong tinatawag sa buong pangalan
nila ang mga nakakausap ko. Pagpapakita kasi iyon ng aming paggalang sa kanila.
Maliban na lamang kung malapit ang loob namin sa mga nakakasalamuha namin. Doon
lang namin sila tinatawag sa kanilang palayaw.” Palihim siyang sumulyap kay
Ilanggayan. 

 “Magkakaibigan naman na tayo, Amba. Kaya huwang ka nang maging mahigpit sa pagsunod sa iyong mga nakaugalian
kapag kami ang kasama mo.” Nakikinig din pala si Kusogsinon sa kanilang usapan. 

 “Tayo-tayo lamang ang magtutulongan sa paglalakbay na ito.” Mukha man walang kibo si Tilhati,
masisilayan parin ang bahagyang pagngiti niya. “Kaya kung maaari ay
pagkatiwalaan mo kami katulad ng pagtitiwala namin sa iyo.” At humarap na siya
pabalik sa unahan. Sina Kislap at Kutitap naman na nakaupo sa magkabilang
balikat niya ay tumango lamang kay Ambahan. 

 Sa mga narinig na iyon, nakaramdam ni Ambahan na unti-unting gumaan ang kanyang kalooban. Tila ba
nagkaroon ng liwanag sa dulo ng kadilimang kanyang tinatahak. Sa pagkakataong
ito ay naging malapad na ang kanyang pagngiti. “Salamat sa inyo!”  

 Bigla namang huminto si Daklilan sa paglalakad. “Pero, saan na tayo patungo ngayon?” 

 Umalis si Kislap sa kabilang balikat ni Tilhati at lumutang sa gitna nila. Mas maliwanag ang kanyang
pagkislap kumpara sa mga nakaraang araw. Ngiting-aso rin ito habang
nakapamaywang. “Mabuti at naitanong mo iyan, Lilan. Kaninang-kanina pa kami
nagagalak na sabihin ang tungkol riyan sa inyo.” Lumingon siya kay Kutitap na
mahinahon paring nakaupo sa balikat ni Tilhati. “Kutitap, sabihin mo na dali!” Napapakagat
pa siya ng kanyang labi habang nakapaghawak ang dalawang kamay sa pagpipigil. 

 Napatawa nang mahina si Kutitap dahil sa inasal ng kakambal. “Oo na. Masiyado ka namang nasasabik kaagad.”
Umalis na rin siya sa pagkakaupo sa balikat ni Tilhati at lumutang sa tabi ni
Kislap. “Mga kinatawan ng mga Anito ng Bundok Kuldras, ang susunod nating
tutungohin ay,” humarap siyang bigla kay Kislap at naghawak sila ng mga kamay. 

 “Mismong ang Bundok Kuldras!” sabay nilang wika na napapatalon pa sa hangin. 

 Napasinghap si Tilhati. “P-punta tayo sa tirahan ng mga Anito?” 

 Nasapo naman ni Ilanggayan ang kanyang bibig. “Nagbibiro ba kayo? Walang sino man sa Itnikus ang nakarating na
roon.” 

 “Ano ba kayo? Nakalimutan ninyo na ba?” Itinuro ni Kislap ang sarili at si Kutitap. “Kasama ninyo kami. Galing
kaming Bundok Kuldras, hindi ba?” Nagkibit-balikat pa siya. 

 Itinuro ni Kutitap ang dakong malayo. “Kaya kami ipinadala rito at tinipon kayo upang dalhin doon mismo!” 

 “Kung gayun ay tayo na!” Biglang itinaas ni Kusogsinon ang kanyang kamao sa dako kung saan din nakaturo si
Kutitap. 

 “Tayo na!” sabay na sagot nina Daklilan, Kislap, at Kutitap. 

 Marahang inilihis ni Ambahan ang sarili sa tabi ni Ilanggayan. “Parati ba silang ganyan ka sigla?” 

 Napatawa nang pilit si Ilanggayan. “Ah, eh, hindi naman. Parang ngayon lang.” 

 Bumuntong-hininga si Tilhati. “Nakakamangha ang inyong pagkaganyak. Sana lang ay mailayo tayo sa kapahamakan
niyan.” At kanyang pinagsalansan ang kanyang mga braso. 

*** 

Pabalik sa yungib ng Tribo Kanibalus, masusing nakatutok si Butiglaon sa kanyang kawa.
Nakikita niya rito ang isang tanawin ng limang mga kabataang naglalakbay.
Napaismid at singhal siya. “At ngayon ay lima na sila. Ngunit ano naman ang
magagawa ninyo laban sa aming hukbo? Pawang wala pa kayong mga karanasan sa
pakikipagdigma. Kaya’t huwag kayong mapalagay kaagad-agad. Makikita ninyo, mga
suwail!” 

 Biglang dumagundong ang isang tinig mula sa kanyang likuran. “At bakit ka naman galit na galit, Butiglaon?” 

 Nilingon ito ni Butiglaon. Nakita niya ang isang nilalang na may mga matang kulay mabayang-lila(red-violet). Ang mahaba nitong buhok ay paalon-alon sa
kanyang likuran. Napayukod si Butiglaon kaagad nang
mapagtanto kung sino ang nagsalitang iyon. “Anitong Kadlum Masuya,
ipagpaumanhin ninyo sana ang pabugso-bugso kong iniasal.” 

 Ikinumpas paitaas ni Anitong Kadlum Masuya ang kanyang kamay upang patigilin sa pagyukod si Butiglaon. “Ano
na ang ulat tungkol sa aking ipinapagawa sa iyo? Nakapagpulong na ba kayo ng
mga Haligi?”  

 “Tapos na po, mahal na Anito.” Humarap muli si Butiglaon sa kanyang kawa. “Pinamanmanan ko ang mga suwail na
tribo sa ating mga awang’ang. Nakaabang na rin ang mga Haligi sa aking
hudyat sa kanila kung kailan nila sisimulan ang pagsupil sa mga kabataang
manlalakbay.” 

 Kumunot ang noo ni Anitong Kadlum Masuya. “Mga kabataan? Anong mga kabataan?” Lumapit na rin siya sa kawa
na siya rin ang may bigay. 

 Biglang hindi makatingin nang matuwid si Butiglaon sa Anito. “M-mangyari po kasi, mahal na Anito, ay may
limang mga kabataang nangunguna sa pagsalungat sa ating layunin. Sila ang mga pumupuksa
sa ating mga awang’ang.” 

 Mas kumunot pa ang noo ni Anitong Kadlom Masuya. “Sinasabi mo ba sa aking hindi kinakaya ng kay raming
mga awang’ang ang limang mga kabataang ito?” Itinuro niya ang tanawin.
“Ha?!” sigaw niya habang nanglilisik ang mga mata. 

 “M-mahal na Anito, ikinahihiya ko mang ipaalam sa inyo, ngunit iyan po ang totoo.” 

 Inilapit ni Anitong Kadlum Masuya ang kanyang nakaangil na mukha kay Butiglaon. “Ngunit papaanong nangyari
iyon?!” 

 Napapikit si Butiglaon sa pagsigaw ng kanilang Anito. Ramdam niya ang malakas na pagkalabog ng kanyang
dibdib. Napalunok siya habang nanlalamig ang mga kamay. “G-ginagawan na po
namin ng paraan, mahal na Anito. M-makakaasa po kayong hindi na po ulit
makakahadlang sa ating mga adhikain ang mga lapastangang iyon.” 

 Biglang umilaw at umusok ang mga mata ni Anitong Kadlum Masuya. “Dapat
lang!” Tumalikod siya nang padabog. “Sumunod ka sa aking bulwagan at dalhin mo
ang kawang iyan. Nais kong ako mismo ang sumaksi sa magiging kalalabasan ng
inyong balak.” Nagpatuloy siya sa paglabas sa silid ni Butiglaon. 

 Natatarantang ikunumpas ni Butiglaon ang kanyang kamay at naglaho ang kanyang kawa. Dali-dali siyang
tumakbo upang sundan ang kanilang Anito. “S-sadali lamang po, mahal na anito.”  

Mensahe ng May-akda:

Ako po si AzureLune, at ikinagagalak ko po ang inyong pagbabasa sa aking isinusulat na kwento. Alam ko pong may mga kakulangan pa ako bilang manunulat. Subalit sisikapin at pagbubutihan ko pa po upang aking mas mapaganda ang kwento ng Itnikus. Kung kayo naman po ay nalugod sa pagbabasa ng kwento ko ng ito, maaari ninyo po akong padalhan ng Noods. O hindi po naman ay maaari rin kayong mag-iwan ng inyong mga haka-haka at kuro-kuro tungkol sa mga pangyayari sa kwentong ito. Akin pong ikasisiyang basahin ang mga iyon kung sila man ay makakatulong upang mas mapabuti ko pa ang takbo ng balangkas nito.

Sa kabilang dako naman po, kung kayo ay mahilig sa action-fantasy comics, maaari niyo rin pong basahin ang gawa ng aking kaibigang si Lei Saturday na pinamagatang "Seraphium": https://webkomph.com/comics/seraphium

Muli, maraming salamat po!

AzureLune Creator

Sa kanilang pagtungo sa Bundok Kuldras, anu-anong mga panibagong suliranin kaya ang kanilang kakaharapin sa kanilang daan? Mahahadlangan kaya sila ng mga kampon ni Anitong Kadlum Masuya?