undefined

Ang Panghuling Baganihan 

 Kasalukuyang nasa Bundok Maka’ilig si Ambahan kasama ang kaniyang tiyuhing si Anilatun at
ang ilan sa mga kawal ng kanilang tribo. Nangangalap sila ng mintalyang
ligaw upang gawing gamot sa pamamalat ng tinig ng ina niyang si Salmaya. Para
sa mga Lilaw’non, napakahalaga ng kanilang mga tinig. Isa iyon sa kanilang
kasangkapan upang magamit ang kanilang mga kapangyarihan. Sa kalagayan ni
Salmaya, hindi niya magagamit ang kanyang kapangyarihan hanggat hindi
gumagaling ang kanyang lalamunan. 

 Kahit pa alam ni Anilatun kung saan matatangpuan ang halamang gamot, hindi parin naging madali ang kanilang
pag-akyat. Matarik ang bundok at maraming mga ligaw na halamang nakaharang sa
kanilang daraanan. Madilim na nang kanilang marating ang bahagi ng bundok kung
saan masaganang tumutubo ang mga mintalyang ligaw. 

 Hindi naman balakid sa kanila ang pagdilim ng paligid sapagkat napalilibutan sila ng mga kitap-kitap, mga
maliliit na mga taglugar na nagliliwanag ang mga buldet(puwit). Inaliw
sila ni Ambahan ng kanyang tugtogin upang hindi sila umalis kaagad.  

undefined

 Nang makakuha sila ng sapat na dami ng halamang gamot, agad nilang nilisan ang pook. Ngunit
habang sila ay pababa, tila ba hinatid ng hangin kay Ambahan ang mga tunog ng
paglalabang nangyayari sa kabilang dako ng bundok. Napatigil siya at
napalingon. Napansin ni Anilatun ang kanyang paghinto at nilingon siya nito.
Napahinto rin ang mga kasama nilang kawal. 

 “Ambahan, bakit ka napatigil?” Nilapitan niya ang pamangkin. “Alam mo namang sa panahon ngayon ay hindi na
ligtas para manatili sa labas ng ating tarangkahan pagkagat ng dilim. Hindi
natin alam kung saan manggagaling ang mga halimaw na iyon.” 

 “Ngunit Tiyo Anilatun, pakiramdam ko po ay may nangangailangan ng ating tulong sa dako roon.” Itinuro
ni Ambahan ang kanyang tinutukoy. 

 Tumingin din si Anilatun sa kung saan nakaturo ang pamangkin. Wala siyang masiyadong maaninag sa kadiliman ng
gubat. Ngunit bigla niyang nasipat ang tila kidlap(kislap) ng patalim.
Napakunot ang kanyang noo at wala sa diwang hinawakan ang kanyang itak.
“Mukhang tama ka nga, aking pamangkin.” 

 Sa hindi malamang dahilan ni Ambahan, may kung ano ang umuudyok sa kanyang magmadali upang sumaklolo. Bigla
siyang tumakbo upang tunguhin ang masukal na kinaroroonan ng paglalaban. 

 “Hintay, Ambahan!” Ngunit nakalayo na ang pamangkin. Lumingon si Anilatun sa kanilang mga kawal. “Sundan natin
siya.” 

*** 

Hindi alintana ni Ambahan ang mga matatalim na dulo ng sanga ng mga halamang ligaw na
kanyang nadadaanan. Mas malakas ang kanyang pagnanais na sumaklolo sa kung sino
man ang nasa panganib na iyon. Hindi nagtagal at narating niya ang kinaroroonan
ng paglalaban. 

 Madilim man ang paligid, ngunit nakalabas na ang buwan sa kalangitan. Ang liwanag nito ay lumulusot sa siwang
ng mga dahon at sanga ng mga puno. Sapat na upang makita ni Ambahan ang mga
mukha ng mga naroroon. 

 Hindi na bago sa kanya ang wangis ng mga mabalahibong mga halimaw. Ang mga kauri nila ang siyang lumusob
sa kanilang tribo kamakailan lang. Pinagtutulongan ng mga ito ang apat na mga
kabataan. Naroroon ang isang bagontaung(binatang) gumagamit ng malaking
tabak(espada) na gawa sa buto ng isang malaking hayop. Naroon din ang isang
batang kulot na mahusay gumamit ng pana at palaso. Naaninag din niya ang isang
dalagang gumagamit ng parang malapad na mangkok na may kamangyang umuusok.  

Ang panghuli sa kanila ay ang nagpanganga sa kanya. Isang batang babae na kasing gulang lang niya. May hawak itong pamaspas na sanga at sa bawat
pagkumpas niya nito ay nakakapagpatubo siya ng mga halamang baging. Hindi siya
maaaring magkamali. 

Napabulong siya dahil sa pag-aalangan. “Ilangayan?” wika niya. Subalit biglang napapihit ang katawan ng batang babae sa kanyang dako. Naging
mas malinaw pa ang mukha nito nang tumama ang sinag ng buwan sa kanya. “Gayan!” 

Biglang lumingon sa kanya ang batang babae nang marining siya. Napakunot ito ng noo sa umpisa at bigla siyang napasinghap nang maaninag ang
kanyang mukha. “Amba?” 

Subalit nanginig ang mga laman ni Ambahan. Akmang dadambahin ng isang halimaw si Ilanggayan. “Sa likod mo, Gayan!” 

Tila sinapian ng kung sinong kaluluwa si Ambahan at bigla na lamang
niyang hinawakan ang kanyang kudyapi. Kinalabit niya ang isa sa mga kwerdas
nito. Ang matinis nitong tunog ay lumikha ng pabalantok na liwanag. Tumama ito
at tumulak papalayo sa halimaw mula kay Ilanggayan. May kasamang talim din ang
liwanag kung kaya ay nagkaroon ng hiwa ang dibdib ng awang’ang. 

Tumakbo si Ambahan patungo kay Ilanggayan. “Hindi ka ba napaano?” 

Nilingon ng batang babae si Ambahan. Sa una ay nananingkit ang kanyang
mga mata dahil madilim ang mukha ng Itnikanong lumapit sa kanya. Nang maaninag
niya nang mabuti ang mukha ng kaibigang Lilaw’non, bigla na lamang nanlaki ang
kanyang mga mata at ngumising bigla. “Amba! Ikaw nga.” Napatalon pa siya. 

“Anong ginagawa mo,” natigilan si Ambahan at nilingon-lingon ang mga
kasama ni Ilanggayan. “Ah, ninyo pala. Anong ginagawa ninyo rito?” 

“Ah, ano, paano ko ba ipapaliwanag ito?” Ginawang pangkamot ni
Ilanggayan ang kanyang pamaspas. 

 Habang sila ay nag-uusap, bigla na lamang sumugod sa kanila ang isa sa mga halimaw. Mabilis na kumilos ang
kasamang baguntao(binata) ni Ilanggayan. Biglang nagliyab ang talim ng hawak
nitong tabak(espada). Gamit ito ay tinaga niya ang halimaw. Nag-iwan iyon ng
malaking sunog na sugat sa katawan awang’ang. “Gayan, siya na ba yung
kaibigan mong taga Tribo Batinglilaw?” Lumingon lamang siya nang bahagya. 

 Humarap si Ilanggayan kay Kusogsinon. “Opo, Kuya Kusog.” Tumango siya. 

 Isa pang halimaw ang akmang dadamba sa kanila. Isang nagliliwanag na palaso naman ang sumalubong at tumarak
sa gilid nito. Nahulog at humandusay ito sa lupa na wala nang buhay. Ang palaso
ay galing sa kulot na batang lalaki. Tumakbo ito palapit sa kanila. “Sa wakas at
nakilala ka na rin po namin, Kuyang Lilaw’non. Makakakain na rin kami!” 

 “H-ha?” Ihinilig ni Ambahan ang kanyang ulo habang nakakunot ang noo. 

 Biglang pumalibot sa kanila ang usok na may amoy ng kamangyan. Tila nainis ang mga awang’ang sa amoy
nito at lumayo sa kanila. Naging pansamantalang pananggalang nila ang usok. Humarap
sa kanila ang mas nakatatandang babaeng kasama ni Ilanggayan. Namaywang ito sa
kanila. “Kung maaari sana ay mamaya na kayo magkumustahan. At huwag niyo munang
isipin ng tungkol sa pagkain. Napapaligiran pa tayo ng mga awang’ang dito.” 

 Nasapo ni Ilanggayan ang kanyang bibig. “Naku! Paumanhin po, Ate Tilhati.” 

“Sige na. Tapusin na muna natin ito.” Biglang iniunat ni Tilhati ang
kanyang mga kamay sa magkabilang gilid niya. Ang pabilog na usok na pumapalibot
sa kanila ay biglang lumapad at marahas na itinulak papalayo ang mga awang’ang.
Tumilapon ang mga ito at napangiwi sa sakit. 

“Ambahan! Nasaan ka?” Biglang narinig nilang may tumatawag mula sa
masukal na halamang ligaw. Nilingon naman iyon ni Ambahan at nakita niyang
lumabas mula sa mga halaman sina Anilatun at ang mga Lilaw’nong kawal. 

Iniharap ni Ambahan ang isang kamay sa kanila habang nakabukas ang kanyang palad. “Tiyo Anilatun,
mag-iingat po kayo. Naririto ang mga halimaw na sumugod sa ating tribo.” 

Natigilan at nagpalingon-lingon sina Anilatun nang umangil ang mga awang’ang
na malapit sa kanila. “Mga kawal, magsihanda kayo!” 

Nakahanap ng pagkakataon si Ilanggayan at bigla niyang ikinumpas ang
kanyang banal na sangang pamaspas. Kasabay nito ang pagtubo ng mga halamang
baging na siyang pumulupot at dumukot sa mga awang’ang na nakaharap kina
Anilatun. Muling ikinumpas ni Ilanggayan pataas ang kanyang pamasmas at
inihagis rin paitaas ng mga baging ang mga nahuling awang’ang. 

Nang makita naman iyon ni Ambahan, hindi na siya nagdalawang-isip pa at
tinugtog niya kaagad ang kanyang kudyapi. Ang tugtogin nito ay lumikha ng mga pabalantok
at nagliliwanag na talim at siyang humiwa sa ibang mga halimaw. 

Hindi naman nagpahuli si Anilatun. Lumanghap siya ng maraming hangin at
isang awiting malakas ang tunog ang kanyang pinakawalan. Nang marinig ito ng
mga natitirang ihinagis na mga awang’ang ay bigla nilang tinakpan ang
kanilang mga tainga. Para bang pinipigilan nilang sumabog ang kanilang mga ulo.
Ilang pagkakataon silang nagpupumiglas sa ere. Ngunit nang bumagsak ang mga ito
ay nakatirik na ang kanilang mga mata at bumubula ang mga bibig. 

Sa nasaksihang iyon ng mga natitirang awang’ang, hindi na nila
magawa pang ituloy ang kanilang pagsugod. Umungol ang marahil ay pinakapinuno
sa kanilang lahat at biglang tumalon papalayo sa kanilang kinaroroonan. Agad
ding sumunod sa kanya ang iba pang mga awang’ang. Unti-unti silang
nawala sa kadiliman ng gubat. Nang dahil doon ay nakahinga nang maluwag ang mga
kabataang itinakda at ang iba pa nilang mga kasamahan. 

*** 

Sa yungib ng mabatong bundok ng Saklanganon,
isang pagpupulong ang nagaganap sa gitna ng Limang Haligi ng Kanibalus at ni
Butiglaon. Iniutus ni Anitong Kadlum Masuya na sila ay makipagsangguni sa
isa’t-isa upang makahanap ng paraan na mawala sa kanilang landas ang mga
malalakas ang loob na kalabanin ang kanilang hukbo. Tanging mga sulo ang nagsisilbi
nilang liwanag doon. Hindi pangkaraniwang mga sulo ang mga iyon. Gawa iyon sa
mga bungo ng hayop na nakalagay sa dulo ng mga pinutol na kahoy. Ang tuktok ng
mga ito ay ginawan ng butas kung saan nagliliyab ang kulay abong apoy. Malamlam
man ang liwanag na likha nito, sapat naman upang maaninag nila ang isa’t-isa at
ang kanilang paligid.
 

Nasa gitna nila ang isang kawang pagmamay-ari ni Butiglaon. Ipinagkaloob
ito sa kanya ni Anitong Kadlum Masuya mula nang siya ay maging isang “manoghiwit”.
Nagagamit niya ito upang makalikha ng kung anu-anong mga lason at gamot. Maaari
rin niya itong magamit bilang pangman-man sa mga nangyayari sa kanyang paligid
at kahit na sa mga lugar na malayo siya. Marami pa siyang ibang kayang gawin at
ang paggamit sa mahiwagang kawa ay isa lamang sa mga iyon.
 

 At dahil nga si Unggutan ang siyang namuno sa isang pangkat ng mga awang’ang kamakailan lang, sa kanya halos
nanggaling ang pag-uulat. Maliban sa Tribo Herbuna, tinungo rin niya ang iba
pang tribo na ayon sa mga awang’ang ay kumalaban sa kanila. Kabilang sa
mga tribong ito ang Amyahanon, Igoloy, Aluhib, at Batinglilaw. Isinalaysay niya
sa lahat ang kanyang mga nasaksihan at nakalap na mga kaalaman tungkol sa mga
mapaghimagsik na mga tribo sa Itnikus.
 

 “Mga lapastangan!” Umalingaw-ngaw sa loob ng yungib ang malakas at galit na tinig ng isang ulo ni Higawgaw.
Nakakuyum ang anim niyang kamao habang nagpipilantik ang kanyang mahabang
buntot sa sahig na lupa. Nagsalita rin ang isa pa nitong ulo. “Napakalakas ng mga
loob nila upang salungatin tayo.” Dumura pa ito at napaismid. Si Higawgaw ang Ikaapat
na Haligi nga Kanibalus.
 

 Itinaas ni Tawong Ulupong, ang Unang Haligi, ang kanyang palad na nakaharap sa dambuhalang may dalawang ulo na may
tig-iisang mata, anim na braso, at kalahating hayop na may buntot at apat na
mga paa. “Huminahon ka,” natigilan siya at tinignan ang isa pang ulo ng Ikaapat
na Haligi. Tumikhim muna siya. “Huminahon kayo, Higawgaw. Kaya tayong lahat
naririto ay upang pag-isipan kung papaano mapipigilan ang ganyang pangyayari sa
hinaharap.”
 

 Tahimik lamang sina Balahibuhok na Pangatlong Haligi at Buktungan na Panlimang Haligi. Hindi tuwid ang pagsasalita
ni Balahibuhok at hindi naman marunong magsalita si Buktungan. Kaya mas
minabuti nilang makinig na lamang. Tanging pagtango at pag-iling ang kadalasan
nilang tugon sa kanilang mga kasama.
 

 Mula sa kanyang kinauupuan, ikinumpas ni Butiglaon ang kanyang kamay. Biglang kumulo ang laman ng kanyang
kawa. Nagkaroon ito ng makapal na singaw at naging parang ulap sa gitna nila.
Maya’t-maya pa ay unti-unting naaaninag nila sa ulap ang mga wangis ng apat na
mga kabataan. Ang pinakamatandang lalaki sa kanila ay isang baguntao(binata) na
nagmamay-ari ng malaking tabak. Ang pangalawang nakatatanda ay isang babaeng
gumagamit ng kam’aw at kamangyan. Ang dalawa naman nilang kasamahan ay
mga lalabintaunin na babae at lalaki. Ang babae ay may kakayahang magpatubo ng
mga halaman at ang lalaki naman ay kulot na kulot at bihasa sa paggamit ng pana
at palaso.
 

 Naningkit ang mga mata ni Butiglaon. “Pawang mga kabataan ang mga ito. Nakapagtatakang nakaya nilang labanan ang mga
pangkat ng ating mga awang’ang. Kahangalan!”
 

 Mariing nakatitig si Unggutan sa mga larawan ng mga kabataan Itnikanon. Nakaipit ang kaliwang kamay nito sa kanang
braso niya habang ang kanyang kanang kamay naman ay nakahawak sa kanyang baba,
malalim siyang nag-iisip. “Sa aking sapantaha ay may biyaya sila ng mga Anito.”
Bigla siyang pumikit at inilagay ang dulo ng hintuturo sa kanyang noo. Nang
kanyang hilahin papalayo ang kanyang daliri ay tila may nagliliwanag na sinulod
sa dulo nito na nakadugtong sa kanyang noo.
 

 Bago magpatuloy si Unggutan, binalingan muna niya ng tingin si Butiglaon. “Pagmasdan mo ito, Butigalaon.” Pinitik
niya ang nagliliwanag na sinulid at tumalsik ito sa ulap na galing sa kawa.
“Ang hibla ng ala-ala kong iyan ay ipapakita sa iyo ang bagay, o hindi kaya ay
nilalang, na batid kong alam na alam mo.”
 

 Kumunot ang noo ni Butiglaon. Nagulo ang mga wangis ng apat na kabataan at lumabo ang ulap. Hindi nagtagal ay muli
itong luminaw at napalitan ng panibagong tanawin. Tumaas ang isa niyang kilay.
Walang bago sa ipinakita ni Unggutan sa kanila. Nakita lamang niya ulit ang isa
sa mga nakababatang babae, ang kayang magpatubo ng mga halaman. “Ano naman ang
gusto mong pagmasdan ko sa batang iyan?”
 

Subalit biglang nanlaki ang kanyang mga mata nang lumitaw sa tabi ng
batang babae ang munting nilalang na may pakpak na hawig sa paru-paro. Matapos
ang napakaraming panahon magmula nang magwakas ang digmaan ng mga Anito, muli
na naman niyang nakita ang isang nilalang na may kaugnayan sa kangyang tunay na
lahi at pinagmulan. Napabulong siya sa kanyang sarili. “Hindi ako maaaring
magkamali. Isang
Tambililiw ang kasama ng batang iyan.” Nagtiim ang kanyang bagang kasabay ng pagkuyom ng
kanyang kamao. “Ngunit papaano?” Kanyang iniangat at ibinagsak sa gilid ng
kanyang upoan ang kanyang kamao.
 

 Ang Tambililiw ay mga tapat na tagapaglingkod ng mga Ada. Nang dahil doon ay nagbalik
ang mga alaala ng pagtakwil sa kanya ng dati niyang mga kauri. Tila ba
nanikip ang kanyang dibdib dahil sa matinding sama ng loob. “Kailangang mawala
ng Tambililiw na iyan.” Marahas niyang ikinumpas ang kanyang kamay.
“Lahat sila, kailangan nilang mawala!”
 

 Ang mga nananahimik na sina Balahibuhok at Buktungan ay napayuko sa biglang
pagkabalisa. Nagkatinginan lamang sina Tawong Ulupong at Unggutan. Subalit
makikita naman sa mga mata ng dalawang ulo ni Higawgaw ang ning-ning ng
pananabik sa isiping papaslangin nila ang apat na mga kabataan.
 

*** 

Ligtas na nakababa ng Bundok Maka’ilig sina Kusogsinon, Daklilan, Tilhati, at Ilanggayan
kasama sina Ambahan at ang kanyang mga katribong Lilaw’non. Maayos silang
ipinakilala ni Ilanggayan sa isa’t-isa. Kagaya ng nakaugalian, nakakubli parin
sina Kislap at Kutitap sa makapal at mahabang buhok ni Tilhati. Sa katotohanan
ay hindi sila umalis doon kahit pa noong nakasagupa nila ang mga awang’ang sa
Bundok Maka’iling.
 

 Ipinakilala sila nina Ambahan at Anilatun kay Punong Titinglaw. At dahil sa ulat na dala nila sa kanya, agad
niyang ipinag-utos ang mahigpit na pagbabantay sa buong Tribo Batinglilaw lalo
na sa mga tarangkahan nito. Sa pansamantala naman, pinatuloy muna ni Ambahan ang
apat na kabataang manlalakbay sa kanilang tahanan. Malugod silang tinanggap
nina Anislaw at Salmaya na mga magulang ni Ambahan. Agad ding iniabot nina
Anilatun ang mga nakalap nilang mintalyang ligaw kay Salmaya.
 

Nang sila ay makapaghapunan na, inihatid sila ni Ambahan sa silid na
kanilang mapagpapahingahan sa kanilang pamamalagi roon. Nang hindi na nila
kasama ang mag-asawa, hindi na nag-aksaya pa ng panahon sina Kislap at Kutitap.
Agad silang lumabas mula sa buhok ni Tilhati at humarap kay Ambahan. Napasinghap
naman ang lalabintauning(tinedyer) Lilaw’non habang nanlalaki ang mga mata.
Napaatras pa ito nang bahagya. “A-anong mga nilalang kayo?”
 

Lumapit si Kusogsinon kay Ambahan at inakbayan ito. “Huwag kang
matakot, Amba. Mababait sina Kislap at Kutitap. Sa katunayan ay sila ang aming
mga gabay sa aming tungkulin.”
 

Lumapit din si Ilanggayan sa Lilaw’nong kaibigan. “Sila rin ang dahilan
kung bakit kami naparito sa inyong tribo.”
 

Nagkakamot naman ng ulo si Daklilan na nagpagulo ng kulot na kulot
niyang buhok. “Ngunit hindi po ba at hindi kayo maaaring magpakita sa mga
Itnikanon na walang kinalaman sa ating pakay? Maliban nalang kung kinakailangan
natin ang tulong ni Kuya Amba.”
 

Tahimik na nakatitig lamang si Tilhati sa kambal nilang mga gabay.
Nakangiti lamang ang mga ito habang nakalutang sa gitna nila. Sunod naman
niyang binalingan ng tingin si Ambahan na bahagyang nagtatagpo parin ang mga
kilay dahil sa nagugulumihan siya sa mga nangyayari. Nang mapansin niya ang
mahaba at malapilak nitong buhok, biglang bumalik sa ala-ala niya ang kanyang
pangitain. Isa sa mga makakasama niyang pangalagaan ang kaligtasan ng Itnikus
ay ang Lilaw’non na nagmamay-ari ng kudyapi at may pinilakang buhok.
 

Nasapo ni Tilhati ang kanyang bibig at napapatong ng kamay sa kanyang
dibdib. Ang maputla at tila walang kibo niyang mukha ay biglang nakanganga.“Hindi
kaya si Ambahan na ang hinahanap natin?”
 

Natahimik ang lahat at nagkatinginan. Tanging ngiti lamang ulit ang
isinagot nina Kislap at Kutitap sa kanila. Sunod nilang pinagmasdan si Ambahan
na napapaatras na sa pagtataka at biglang napaupo sa hingaang nasa likod lamang
niya.
 

Sa wakas ay lumapit na si Kutitap kay Ambahan. “Ipagpaumanhin mo sana
ang biglaang pangyayaring ito.”
 

Sumunod si Kislap sa likod ng kakambal. “Hayaan mong ipakilala namin
nang maayos ang aming mga sarili.” Huminto siya sa gilid ng kapatid. Itinuro
niya ang kanyang sarili. “Ako si Kislap.” Sunod niyang itinuro ang kakambal.
“Siya naman si Kutitap na aking kapatid.”
 

Iniunat ni Kutitap ang kanang mga braso sa magkabilang dako. “Kami ay
isinugo ng mga Anito ng Bundok Kuldras upang hanapin at tipunin ang mga napili
nilang magiging kinatawan para sa nalalapit na digmaan laban sa hukbo ni
Anitong Kadlum.”
 

Kilala ni Ambahan ang pangalang iyon. Walang sino an sa buong Itnikus
ang hindi nakakakilala sa mapalalong Anito. Subalit hindi nga ba at matagal na
itong nasugpo? “Ang masamang Anito?” Nakataas ang isang kilay ni Ambahan.
Napasulyap siya kay Ilanggayan na napatango naman sa kanya. “Pero anong
digmaan? At anong kinalaman nito sa akin?”
 

Tumikhim si Kislap. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa kanyang
likod at itinuwid ang kanyang tindig. “Limang mga kabataang Itnikanon ang napili
ng mga Anito ng Bundok Kuldras upang bigyan ng kanilang mga biyaya. Ang mga
biyayang ito ay magagamit nila upang mapanatili ang kaligtasan ng Itnikus.”
 

Humarap si Kutitap kina Kusogsinon. “At ang mga kabataang iyon ay
sila.”
At humarap siya ulit kay Ambahan.
“At ikaw, Ambahan. Kasama ka sa mga kabataang iyon. Kayo ang magiging pag-asa
ng Itnikus.”
 

Natahimik si Ambahan. Yumuko siya upang iiwas ang kanyang paningin sa
kanila habang nananatiling nakakunot ang kanyang noo. Kanina lang nangangalap
lang sila ng mintalyang ligaw hanggang sa niligtas nila si Ilanggayan at
ang mga kasamahan niya. At bigla-bigla na lamang, magiging kasama siya nila sa
isang digmaan? Muli niyang iniangat ang kanyang paningin sa kanila. “Sandali
lamang!”
 

Napabuntong hininga si Tilhati. Alam niyang magtatagal na naman ang
kanilang pag-uusap at hindi nila kaagad mahihikayat si Ambahan. Kung makikita lang
sana niya ang pangitaing nakita rin
niya.
At bigla siyang napatingin kay Ambahan sa paraang naisip niya. Hindi man niya
batid ngunit kailangan niyang subukan.“Ako na.” Bigla siyang lumapit. “Hayaan
mong ipakita ko sa iyo ang aking pangitain.” Hindi pa man nakakasagot si
Ambahan, agad na niyang inilagay ang kanyang mga daliri sa kanyang
pilipisan(sentido) at ipinikit ang mga mata.
 

Itinuon ni Tilhati ang kanyang isipan sa paghahanap ng pangitain sa
kanyang ala-ala. Nagtatagpo na ang kanyang mga kilay at namumuo na rin ang mga
butil ng pawis sa kanyang noo. Biglang lumitaw ang nagliliwanag na sagisag dito.
Unti-unting lumabas mula rito ang isang nagliliwanag na bagay na hugis balahibo
ng isang ibon. Idinilat niya ang kanyang mga mata at tahimik na napangiti dahil
matagumpay niyang naipon ang ala-ala ng kanyang pangitain.
 

Lumutang ang balahibo sa gitna nila ni Ambahan. Akma niya itong sinalo
ng kanyang kamay. Ngunit hindi ito nakadampi sa kanyang palad. Ikinumpas niya
ang kanyang kamay patungo sa ulo ni Ambahan. Sumasabay lamang ang balahibo sa kanyang
pagkumpas. Muling kumumpas si Tilhati nang pababa ang kamay at mahiwagang lumubog
ang balahibo sa ulo ni Ambahan.
 

Nalilito man si Ambahan ay hinayaan lang niya si Tilhati sa kanyang
ginagawa. Nang tuluyan nang lumubog ang balahibo sa ulo niya, bigla na lamang
siya nagkaroon ng ala-alang hindi naman sa kanya. Dumating ito na parang
rumaragasang tubig sa kanyang diwa.
  

Mensahe ng May-akda:

Ako po si AzureLune, at ikinagagalak ko po ang inyong pagbabasa sa aking isinusulat na kwento. Alam ko pong may mga kakulangan pa ako bilang manunulat. Subalit sisikapin at pagbubutihan ko pa po upang aking mas mapaganda ang kwento ng Itnikus. Kung kayo naman po ay nalugod sa pagbabasa ng kwento ko ng ito, maaari ninyo po akong padalhan ng Noods. O hindi po naman ay maaari rin kayong mag-iwan ng inyong mga haka-haka at kuro-kuro tungkol sa mga pangyayari sa kwentong ito. Akin pong ikasisiyang basahin ang mga iyon kung sila man ay makakatulong upang mas mapabuti ko pa ang takbo ng balangkas nito.

Sa kabilang dako naman po, kung kayo ay mahilig sa action-fantasy comics, maaari niyo rin pong basahin ang gawa ng aking kaibigang si Lei Saturday na pinamagatang "Seraphium": https://webkomph.com/comics/seraphium

Muli, maraming salamat po!

AzureLune Creator

Ano kaya ang agiging pasya ni Ambahan matapos niyang masilayan ang pagitaing ibabahagi sa kanya ni Tilhati? Magagawa kaya nilang mapapayag siya kaagad? O siya ba ay magdadalawang-isip pa?