Chapter four

" Leon ng Kabo "

Leo's PoV.

" Sana magunaw na lang ang mundo "

Mga salitang pumapasok sa isipan ko tuwing nababalot ako ng depresyon at pagkamuhi sa sitwasyon na kinalalagyan ko sa kasalukuyan .

Isang napaka samang salita na nagsusumpa sa sangkataohan at humihiling nang katapusan ng mga nilalang at may buhay sa mundo .

Kung iisipin kong mabuti eh kanino ko ba ito hinihiling ? Sa langit ? Sa diyos ? Nakakatawa dahil iniisip ko na diringin ng langit ang isang hiling na magwawakas sa napakaraming buhay sa mundo na wala naman kinalaman sa galit ko o kahit sa pinoproblema ko .

Kung sakaling mangyari iyon ay higit pa iyon sa isang karumaldumal na krimen na pumatay sa daan daang inosenteng tao dahil lang sa mababaw na kadahilanan .
Pero kung iisipin ko ay pawang mabuti na rin iyon mangyari sa mundong ito.
Kamatayan ? Sa oras na mamatay ang mga tao sa mundo ay mawawala na ang problema nila na tinitiis na pag daanan sa araw araw na pamumuhay kagaya ko .

Hanggat buhay ka eh patuloy na daranas ka ng problema kaya mabuti pang magsama sama na lang kaming tapusin ang lahat ng problema at pasakit na meron sa mundong ito . Hindi ba tama ako ?

Sa totoo lang mamamatay din naman ang mga tao at hindi nila yun matatakasan lalo na sa isang magulong mundong kinalalagyan namin kaya bakit kailangan pa dumanas ng hirap bago mo makamtan ang katahimikan .

Isang pagdadahilan na kahit ang sarili mo ay mapapaniwala mo sa kasinungalingan upang takpan ang tunay na intensyon .

Tsk , Makatarungan na bang idahilan ang mga bagay na iyon ? Tama pa bang sabihin ko ang mga sumpa sa paraan na magiging kaaya ayang pakinggan ? Teka sino ba ako para magdesisyon na dapat nang wakasan ang buhay ng ibang tao at milyon milyong nilalang sa mundo ?

Ganun na ba talaga ako kasama mag isip ? Hindi , Tsk, Alam ko sa sarili ko na hindi ako isang masamang nilalang . Hindi ako isang diablo upang mag asam ng napakasamang bagay sa kapwa ko dahil ang totoo hindi ito isang kahilingan na iniisip kong pwedeng matupad ,

Hindi ko tunay na pinaniniwalaan na diringin ito ng langit pero patuloy ko itong nasasambit sa aking isipan . Hindi ito isang pag hahangad kundi isang ekspresyon at pagpapalabas ng saloobin ko na kinikimkim sa loob ko .

Isang kalooban na punong puno ng depresyon dulot ng kawalan ng pag asa at pagdududa sa pagmamahal ng dakilang lumikha sa katulad namin . Nag kukunwari ako sa loob ko na para sa kapwa ko ang mga salitang iyon pero ang totoo ay resulta lang ito ng pagkabigo ko na makamit ang mga bagay na meron ang ibang mga tao sa kabilang ibayo .

Ganun lang ito .... pero masama na ba ako ?
Nagagawa ko lang naman ito dahil hindi ako pinagkalooban ng maayos na buhay kagaya ng iba.
Naiisip kong manumpa dahil hindi naging pantay at patas ang mundo sa mga katulad ko .

Sa makatuwid naiinggit ako kaya ako nagkaka ganito ..
Tama , Siguro nga masama nga akong nilalang .

Kilala ako bilang si Gabarika , hindi yun pangalan kundi katawagan sa mga nag iisang anak na lalaki sa isang pamilya . Ang mga katulad ko ay hindi binibigyan ng pangalan hangat hindi pa tumutongtong sa edad na labing walo . Werdo pero ganito ang batas sa aming tribo .

Ang lahat ng bagay na iyon maging ang mga tradisyon at pamamanata ay bahagi ng aking nakaraan , isang madilim na nakaraan na aking pilit nililimot sa isipan upang itaas ang aking sarili sa kasalukuyan .

Ginusto kong takasan ang aking sitwasyon saaming tribo mula pa noong paslit ako at mangyayari iyon sa hindi inaasahang paraan . Magbabago ang lahat ng mga pananaw at perspektibo ko tungkol sa mundo nang maganap ang isang trahedya sampung taon ng nakakalipas .
Isang trahedya na umubos sa mga kalahi ko sa maliit na nayon na kinabibilangan ko sa labas ng galiga .

Ang nayon na kung tawagin ay Sinumpang tribo ng Kabo . Isang Angkan ng mga Hube na itinuturing na salot ng mga tao dahil sa anyo at kinabibilangan na lahi .

Hindi kami normal na tao dahil ang panlabas na katauhan namin ay mga halimaw pero nakakapag isip at salita kami gaya ng isang normal na tao . Nagmula kami sa angkan ng mga kalahating tao at kalahating halimaw na tinatawag na " HUBE " at ang mga kagaya ko na may anyong halimaw na leon ay madalas kinatatakutan ng mga tao at inaakala magiging banta sa katahimikan .
Iyon narin ang dahilan kung bakit pinalayas kami sa bayan ng galiga at namuhay sa kagubatan sa labas nito.

Ilang henerasyon na ang lumipas at maraming salin lahi na ang nagdaan sa aming tribo pero patuloy parin ang diskriminasyon sa mga Hube na katulad ko kahit na napatunayan na namin na hindi kami katulad ng ibang halimaw sa gubat na kumakain ng laman ng tao .

Kabahagi man kami ng bansa ng iru pero itinatakwil naman kami ng galiga kaya wala kaming proteksyon mula sa pwersa militar ng bayan at dahil nga doon mabilis kaming napasok ng mga halimaw at nalipol .

Hindi ko lubos na matandaan ang mga naganap noong araw na iyon dulot ng trauma sa nangyari basta ang tangi ko lang naaalala ay ang pagliligtas saakin ng isang dalaga na may maikling itim na buhok at base sa itsura nito ay isa itong mandirigma at mangangaso mula sa galiga .

Sinuong ng dalagang ito ang labanan na nagaganap at walang takot na tumatakbo sa gitna ng nagliliyab na paligid at pulang mga lupa dahil sa mala sapang dugo ng mga patay na Hube na umaagos para lamang makarating sa kinaroroonan ko .

Malakas man ang pisikal na katawan ng katulad ko ngunit hindi kami sinanay sa tribo na maging mandirigma kaya naman madali kaming nadaig ng mga halimaw at naubos .

Nakita ko kung gaano kahusay at kabilis ang mga kilos ng dalagang nasa harap ko at humanga sa kakayahan nito sa pag gamit ng katana na umuubos sa mga halimaw na kakain sana saakin .

" Bilisan mo at sumama ka saakin . " Sambit nito habang inaabot ang mga kamay nito .

" Sino ka ? Bakit ka nandito ? " Sambit ko .

Hindi ko alam kong tatangapin ko ang mga kamay na iyon na gusto akong tulungan, nagdadalawang isip akong tugunin ang dalagang ito dahil na rin nagdududa ako sa salita ng isang taong gaya nya pero bago pa ako muling makapagsalita ay hinila nya na ang aking damit at pinatayo upang tumakbo .

" Wala ka nang oras para mag isip pa , Nandito ako para iligtas ka ! " Sigaw nito .

Mabuti man ang intensyon nito ay nagawa ko parin hawiin ang mga kamay nya palayo saakin at huminto sa pagtakbo .

" Tumigil ka !! Isa kang tao . Isa ka sa mga pumapatay sa katulad ko upang pagkakitaan kaya paano kita pagkakatiwalaan ? " Galit na sambit ko.

" Anong sabi mo ? Hoy wala tayong oras para magtalo , binibigyan kita ng tyansang mabuhay kaya magpasalamat ka na lang . " Sagot nito .

Hindi ko magawang magtiwala sa mga tao dahil lumaki ako na may kaisipan na malulupit ang mga katulad nila sa isang Hube na kagaya ko .

" Paano ako makakasigurong inililigtas mo nga ako at hindi ginagamit upang pagkakitaan ? "

" Dahil hanggang ngayon ay buhay ka pa at dahil yun saakin ! Hindi ko hinihingi ang pagtitiwala mo basta ang gusto ko na gawin mo ay sumunod sa sasabihin ko upang makaalis na tayo sa letseng lugar na ito . " Galit nitong tugon .

Nahalata ko ang galit nito at lalo akong nagduda dahil sa gaspang ng ikinikilos nito sa harap ko .
Bumuntong hininga ito upang huminahon at kalmado na sinabi saakin na .

" Nandito ako para tulungan ka kaya tulungan mo akong tulungan ka , maliwanag ? . " Matapang na sambit nito.

Kitang kita ko sa determinadong mga mata nya ang isang matapang na pagnanais na iligtas ako . Hindi ko na nagawa pang sumabat dahil sa pag mamando nito saakin . Muli nyang hinila ang damit ko at pinatakbo ako upang makatakas sa lugar ng labanan .

Nanginginig ang tuhod ko sa mga oras na iyon habang tumatakas sa lugar kasama ang isang taong ngayon ko lang nakita at nakausap. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi ako makapaniwalang nagaganap ang pagka ubos ng mga katribo ko . hindi ko alam kung ang dugong nilalakaran ko ay nagmula sa kakilala ko sa loob ng tribo , hindi ko kayang titigan pa ang mga nakahandusay na katawan sa lupa at alamin ang pagkakakilanlan nila .

Natatakot at nangangamba ako na baka isa sa mga malalamig na bangkay na naroon ay sa kaibigan ko o hindi kaya sa pamilya ko . Anong gagawin ko ? tama bang tumatakbo ako ngayon habang malinaw sa isip ko na tumatakas ako para iligtas ang buhay ko.

" Wag kang tatalikod, lilingon o kahit na tumingin sa lupa . Hindi ka pwedeng huminto sa pagtakbo dahil sa oras na tumigil ka ay mamamatay ka " Sigaw nito habang tumatakbo .

Alam ng babaeng kasama ko na umiiyak ako habang pinipilit na tumakbo dulot ng pangungulila at sari saring emosyon sa mga oras na iyon kaya lalo nya akong hinihila upang ipagpatuloy ang pagtakbo ng walang hinto .

" Hindi ka pwedeng magluksa sa mga patay sa gitna ng digmaan . Kasalanan ang maging mahina sa mundong ito kaya bilang isa sa mahihina ay tatanggap ka ng parusa . Sa ngayon ay wala kang ibang magagawa kundi pilitin mabuhay para sa mga namatay . " Sigaw nito saakin .

Hindi ko naunawaan nang lubos ang mga nasambit nya pero alam ko sa sarili ko na wala akong nagawa upang magtanggol o magligtas ng kahit na sino man . Tama , Isa nga akong mahina at isang makasalanan .

Tumakbo kami hanggang makalabas ng kagubatan na iyon, Bago saakin ang kapaligiran at noong mga oras na iyon ay hindi ko alam kung nasaan na ako naroroon pero sa ngayon ay hindi na importante kung saan na kami nakarating dahil halos blangko na ang isip ko upang mag isip pa ng iba .

" Malayo pa ang bayan kaya hindi tayo pwedeng magpahinga . " Mataray na sambit ng babae.

" Pero hindi na kaya ng katawan ko " Mahinang sambit ko habang unti unting sumasara ang mga mata ko dahil sa panghihina at pabagsak sa lupa dahil sa pagod.

Tuluyang bumigay ang katawan ko siguro dulot na rin ng mga pinsala kong natamo noong makipaglaban ako sa mga halimaw.

Nung mga oras na iyon ay wala akong nagawa para tulungan ang aking mga kababayan . Wala akong ginawa upang sagipin ang pamilya ko .
Naging makasaysayan ang pangyayaring iyon sa labas ng galiga dahil sa higit Isang libong Hube sa aming nayon ay ako lang ang nag iisang nakaligtas sa nangyari .


~



" Leon ng Kabo " .

~~~> { Author's note } <~~~

undefined


 

Alabngapoy Creator

EPISODE 5 PART 1