Lunar Eclipse, ang pinakahihintay naming lahat dito sa planetang Moonlight.
Panahong nababalot kami nang kakaibang kapangyarihan.
Magagawa naming maglakbay sa ibang mundo sa isang iglap.
“Ron, handa ka na ba?” tinig na nagpalawak lalo ng ngiti sa aking labi, ang aming pinunong gabay.
Naupo kami sa ilalim ng liwanag ng buwan.
Buong konsentrasyong pumikit at humiling sa Mahiwagang Buwan na tugunin ang hiling ng aming mga puso.
“Nais kong dalhin mo ako sa lugar kung saan titibok ang puso kong bato,” taimtim kong dalangin.
Ilang sandali pa'y naramdaman ko ang pag-angat ng aking sarili.
Kasabay nang biglaang paghugot nang malalim na hininga ay napamulat ako.
“Saang planeta ako dinala ng aking hiling?” mangha kong tanong sa aking isip.
Awang ang aking mga labi habang pinapasadahan nang tingin ang buong paligid.
Maberde rin dito tulad sa aming planeta.
Pero kakaiba ang hitsura ng mga nilalang.
“Ahh!” daing ng taong naapakan ko ng ’di sinasadya.
“Naman! Kapag malambot, paa iyon, paa! Hindi semento!” reklamo nito.
“Paumanhin, ’di ko sinasadaya. Akala ko'y isa kang Android,” saad ko dahil tila tuod kasi itong nakatingin sa malayo.
“Ano ang pangalan ng planetang ito?"tanong ko na hindi tumitingin dito.
Naagaw nang aking pansin ang nilalang na nagpatalon ng aking puso.
Hawak-hawak ko ang aking dibdib na nilingon muli ang kausap.
“Mundo ng Pahina. Ako naman si Sky, mula ako sa Planetang Earth,” pakilala nito.